SA kabila ng mahigpit na babala ng Department of Energy (DoE) kaugnay ng labis na pagpapatubo o profiteering ng ilang kumpanya ng langis, binulaga pa rin tayo ng labis na pagtaas ng presyo ng mga produkto ng petrolyo; price hike na higit na mataas kung ihahambing sa katiting na mga oil price rollback. Lumilitaw na hindi pinakinggan ang mistulang pagbabanta ng naturang ahensiya ng gobyerno.
Ang babala ng DoE ay nakatuon sa hinay-hinay at maingat na pagpapataw ng excise tax sa mga oil products, katulad ng itinatadhana Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law. Ngunit maliwanag na nagmadali ang naturang mga kumpanya ng langis; halos sabay-sabay silang nagpatupad ng dagdag na presyo sa kanilang mga produkto; dahilan ito upang labis na bumigat ang pasanin ng sambayanan, lalo na ang namamasadang mga motorista na umaasa lamang sa murang presyo ng diesel para sa pampasaherong mga sasakyan.
Kapani-paniwala na mahirap pigilin ang mga oil companies sa pagpapatupad ng price hike ng mga produkto ng petrolyo. Laging isinasangkalan ng naturang mga negosyante ang pabagu-bagong presyo ng krudo na inaangkat nila sa Oil Producing and Exporting Countries (OPEC).
Isa pa, lagi nilang sinasandalan ang itinuturing na malupit na Oil Deregulation Law (ODL) na nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan upang magtakda ng nais nilang presyo para sa kanilang mga produkto. Ang naturang batas na matagal na sanang pinawalang-bisa, katulad ng laging isinisigaw ng mga nagdurusang mga motorista, ang nagiging dahilan kung bakit mistulang nakatali ang kamay ng gobyerno sa pagsuheto sa ilang gahamang oil companies.
Maging ang ilang negosyante ng iba’t ibang produkto ay nahawa na rin sa mga oil companies sa pagtatakda ng dagdag na presyo. Hindi rin mapigilan ang price hike ng pangunahing pangangailangan ng sambayanan. Tila ipinagwawalang-bahala ng ilan sa kanila ang Suggested Retail Price (SRP) na ipinatutupad ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Trade and Industry (DTI).
Isang katotohanan na maaaring higit na nakararami ang mga negosyante na may malasakit at mistulang nagkakawang-gawa sa mga mamimili. Subalit isa ring katotohanan na may mga negosyante na walang inaatupag kundi magkamal ng limpak-limpak na pakinabang. Sila kaya ang sinasabing mga buwitre ng lipunan na hindi alintana ang pagdurusa ng sambayanan?
-Celo Lagmay