Isiniwalat kahapon ng ilang sumukong rebelde mula sa Laguna at mga kalapit na probinsiya ang pagre-recruit ng New People’s Army (NPA) sa ilang estudyante sa dalawang kilalang state college and university (SUC), na regular umanong bumibisita sa kanilang kampo.
Binanggit sa pulisya ng 20 rebeldeng Dumagat, na sumuko kamakailan, ang pangalan ng ilang estudyante ng University of the Philippines (UP) at Polytechnic University of the Philippines (PUP) na regular umanong bumibisita sa kanila.
“They would go to some far-flung communities for research but some of them would no longer go back and would chose to stay,” pahayag ni alyas “Ka Ruben”, isa sa mga lider ng mga rebeldeng taga-Laguna, nang makapanayam sa Camp Crame.
Sinabi naman ni Police Regional Office (PRO)-4A Director Chief Supt. Edward Carranza na pagtutuunan nila ng atensiyon ang mga tao na nagsisilbing “pointmen” para sa pagbisita ng mga estudyante ng UP at PUP sa mga kabundukan sa Rizal, Laguna at Quezon.
“We really have to find these people because they are not only putting the lives of these students at risk but also destroying the future and hope of their families,” ani Carranza.
Aniya, matagal na silang nakatatanggap ng mga ulat hinggil sa umano’y pagbisita ng ilang estudyante sa kolehiyo sa mga kuta ng rebelde sa Calabarzon.
Bagamat may ilan, ayon kay Carranza, na boluntaryong sumasali sa kilusan, may mga nalilinlang umano na sumapi sa NPA, at ginagamit na panghikayat ang pagbisita sa mga katutubo at mahihirap na pamilya sa kabundukan.
-Aaron B. Recuenco