NAKATUON ang LBC Ronda Pilipinas 2019 sa pagtulong sa Pinoy cyclists na magkawalipika sa Olympics.

Kaugnay ng naturang layunin, magdaraos ang orgabizers ng pamosong cycling marathon sa bansa, ng limang araw na karera sa Pebrero 8-12 na magsisimula sa Iloilo City at babagtas sa iba pang lalawigan ng Panay Island, tulad ng Guimaras, Roxas City at Antique.

Nasa ilalim ng sanction ng world governing body ng cycling na Union Cycliste Internationale (UCI) sa unang pagkakataon matapos ilunsad may siyam na taon na ang nakakalipas, nakaakit ang event ng 15 koponan na kinabibilangan ng pitong local teams na pinangungunahan ng reigning national champion Navy-Standard Insurance at mga continental teams na Go for Gold at 7 Eleven CLIQQ-Air21 by Roadbike Phls.

Ayon kay LBC Ronda executive project director Moe Chulani , nakikiisa sila sa hangad ng mga siklistang Pinoy na makatipon ng sapat na puntos upang mag qualify sa 2020 Tokyo Olympics.

Angelica Yulo, proud na ibinida hakot awards na 'Golden Boy' anak na si Eldrew

“LBC Ronda Pilipinas was conceptualized to discover talents and give our local cyclists a chance to shine and earn a living. After eight editions, we at LBC Ronda Pilipinas decided to focus our shift to our ultimate goal from the start, which is the Olympics,” ani Chulani.

“And it’s been almost three decades since a Filipino made it to the Olympics and this is LBC Ronda Pilipinas’ way of helping the country achieve its dream of sending a Filipino cyclist back in the Olympics,” aniya.

Pinaiiral ng UCI ang bagong qualification rule sa Olympic cycle tungo sa Tokyo Games kung saan 50 bansa ang maaaring direktang makapasok sa quadrennial meet at makakatulong ang LBC Ronda Pilipinas 2019 para makakuha ang mga Pinoy riders ng karagdagang qualifying points.

Ang iba pang local teams na lalahok sa karera ay ang Army Bicycology, Team Franzia, Team Tarlac at Bike Xtreme.

Mayroon ding mga inimbitang international teams na lalahok na kinabibilangan ng Matrix Powertag Japan, Nex Cycling, Korail Team Korea, PGN Road Cycling Team, Sri Lanka Navy Cycle Team, Customs Cycling Indonesia, Terengganu Cycling Team at Cambodia Cycling Team.

Ang Navymen ay pamumunuan ng mga dating Ronda champions na sina Ronald Oranza at Jan Paul Morales. Sasandigan naman ng Go for Gold at 7-Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines ang kanilang mga naging international exposures noong nakaraang taon.

Magsisimula ang karera sa pamamagitan ng 197.6-kilometrong Iloilo-Iloilo Stage One sa Pebrero 8 na susundan ng 101.8 km Guimaras-Guimaras Stage Two kinabukasan.

Babalik ang kabuuan ng entourage ng karera sa Iloilo para sa 179.4 km Iloilo-Roxas City Stage Three sa Pebrero 10 na susundan ng 146.9 km Roxas-Roxas Stage Four sa Pebrero 11.

Magtatapos ang karera sa pagdaraos ng 148.9 km Roxas-Antique Stage Five sa Pebrero 12.

Ang awarding ceremony ay idaraos sa isla ng Boracay pagkatapos ng huling yugto.

-Marivic Awitan