NANG halos ipagsigawan ng Malacañang na ‘no sacred cows’ sa Duterte administration, biglang sumagi sa aking utak ang hindi kanais-nais na impresyon ng ilang sektor ng sambayanan: Ang ilang opisyal na mistulang sinisibak sa kanilang kasalukuyang tungkulin ay inililipat lamang sa ibang tanggapan.
Nangangahulugan ba na ang naturang mga lingkod-bayan na sinasabing nasasangkot sa katiwalian ay ‘tila kinukunsinti at pinananatili sa administrasyon sa kadahilanang hindi mahirap unawain?
Totoo na ang nabanggit na mga opisyal na hindi ko na pangangalanan – kabilang na ang ilang Cabinet members na tinukoy ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) – ay hindi pa maituturing na ‘guilty’ sa katiwaliang ibinibintang sa kanila. Kailangan pa ang masusi at patas na imbestigasyon upang lumutang ang katotohnan sa mga reklamo laban sa kanila.
Hindi maiaalis na maging mahigpit ang PACC – at ang iba pang ahensiya na sumisilip sa mga alingasngas na talamak sa mga tanggapan ng gobyerno. Natitiyak ko na ang pagsisikap ng naturang mga tanggapan ay nakaangkla sa laging ipinahihiwatig ng Pangulo: Sapat na ang ‘whiff of corruption’ o bahagyang pangangamoy ng katiwalian upang papanagutin ang sinumang tiwaling opisyal at kawani ng pamahalaan. Wala nga kayang dapat makaligtas sa gayong ‘standing order’ ng pamahalaan?
Naniniwala ako na matindi ang determinasyon ng Pangulo sa paglipol ng mga katiwalian sa iba’t ibang tanggapang talamak sa mga alingasngas; kabilang na rito ang mga korporasyon at income-generating agencies, tulad ng Bureau of Customs (BoC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Philippine Charity Sweepstakes (PCSO) at iba pa. Mismong si Pangulong Duterte ang malimit magpahiwatig na ang nasabing mga tanggapan ay pinamumugaran ng mga tiwali.
Maliban marahil sa ilang insidente, walang pinatatawad ang Pangulo sa kampanya laban sa kurapsiyon. Maraming pagkakataon na hindi siya nangingiming sibakin sa tungkulin ang sinuman; kahit na ang kanyang mga kaalyado na malapit sa kanyang puso at gumanap ng makabuluhang misyon upang siya ay mailuklok sa panguluhan.
Ang bangis ng paglipol ng Pangulo sa mga katiwalian ay hindi lamang dapat ituon sa kanyang Gabinete. Marapat ding pairalin ito sa lahat ng sangay ng pamahalaan na natitiyak kong talamak sa tinaguriang nangangamoy na katiwalian. Silang lahat ay sagabal sa paglikha ng isang tapat at malinis na gobyerno na ipinangangalandakan ng administrasyon.
-Celo Lagmay