Muli na namang kikilalanin ang tinaguriang best of the bests at mga top achievers ng Philippine sports noong nakalipas na taon sa pagdaraos ng Philippine Sportswriters Association (PSA) 2018 Annual Awards Night sa susunod na buwan.
Ang maningning na pagtitipon ay gaganapin sa Pebrero 26 sa Manila Hotel at tatampukan ng pagagagawad ng Athlete of the Year award.
Nahirang upang tumanggap ng prestihiyosong parangalbang apat na kababaihang gold medal winners noong nakaraang Indonesia Asian Games na sina weightlifter Hidilyn Diaz, skateboarder Margielyn Didal at golf trio nina Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go.
Nakatapos na ng kanilang deliberasyon para sa karamihan ng mga nominado para sa iba pang mga awards ang PSA Board sa pangunguna ng kasalukuyang presidente ng asosasyon na si Dodo Catacutan ng Spin.ph.
Binubuo ng mga editors, sportswriters at columnists mula sa mga pangunahing pahayagan (broadsheet at tabloid) at online media sa bansa, pipili din ang PSA ng tatanggap ng iba pang pangunahing parangal gaya ng President’s Award, Executive of the Year, National Sports Association of the Year, at Lifetime Achievement award.
Pipili din sila ng Mr. Basketball, Mr. and Ms. Volleyball at Mr. Football awardees.
May nakalaan ding parangal ang sports fraternity na kinikilalang pinakamatagal na media group sa bansa mula noong 1949 para sa iba pang sports.
Nariyan pa rin ang Tony Siddayao Awards at Milo Junior Athletes of the Year para naman sa mga kabataang atleta.
-Marivic Awitan