Three-game losing skid sa Oracle, tinuldukan ng GS Warriors; Wolves, wagi
OAKLAND, Calif. (AP) — Unti-unti nang nagbabalik ang ‘outside shooting’ ni Klay Thompson, habang naitala ni Stephen Curry ang unang double-double performance ngayong season sa dominanteng 122-95 panalo ng Golden State laban sa New York nitong Martes (Miyerkules sa Manila).
Hataw si Thompson sa naiskor na 43 puntos, tampok ang pitong 3-pointers, habang kumana si Curry ng 14 puntos at season-best 14 assists para tuldukan ang bibihirang three-game home losing streak.
Nag-ambag si Kevin Durant ng 24 puntos, anim na rebounds at anim na assists, habang kumana si Draymond Green ng 11 rebounds at 10 sa impresibong 36 assists ng Warriors na ikinalugod ng homecrowd sa Oracle Arena.
Nanguna si Mario Hezonja sa Knicks sa natipang 19 puntos, habang humugot si Enes Kanter ng 12 puntos at 16 rebounds.
Tinuldukan ng Warriors ang first half sa 13-0 run para sa 61-49 bentahe sa halftime.
“I think all great teams have a really good record at home, just kind of the way it is, so we need to re-establish ourselves this week at Oracle,” pahayag ni Warriors coach Steve Kerr.
Naitala ng Golden State ang ika- 10 sunod na panalo laban sa Knicks at ikalimang sunod sa kanilang tahanan para sa huling pagbisita ng Knicks sa Oracle Arena bago ang nakatakdang paglipat ng two-time defending champion Warriors sa kalapit na Chase Center sa susunod na season.
Naisalpak ni Curry ang 10 three-pointers tungo sa 42 puntos sa 127- 123 panalo laban sa Sacramento para makamit ang No.4 sa all-time three-point list. Sa naibuslong tatlo nitong Martes, umarya siya sa 2,280, dalawang 3-pointer ang layo para pantayan si Jason Terry (2,282) sa No.3 list.
SUNS 115, KINGS 111
Sa Phoenix, napantayan ni Kelly Oubre Jr. ang career high 26 puntos, tampok ang one-handed rebound jam sa huling 11.1 segundo para sandigan ang Phoenix Suns kontra Sacramento Kings at putulin ang six-game losing skid.
Nalipat sa Suns bunsod ng trade na kinasangkutan ni Trevor Ariza sa Washington nitong Disyembre 17, napantayan niya ang 26 puntos na naitala laban sa Detroit nooong Enero 19, 2018.
Nag-ambag sina T.J. Warren at Deandre Ayton ng 21 at 17 puntos,a ayon sa pagkakasunod.
Nanguna si De'Aaron Fox sa Kings sa naiskor na 24 puntos, habang tumipa si Ben McLemore ng 20 puntos.
Umabante ang Suns sa 110- 109 mula sa rebound basket ni De'Anthony Melton, ngunit nabawi agad ito ng Kings mula sa dunk ni Willie Cauley-Stein, 111-110. Dalawang free throw mula kay Oubre ang muling nagpaabante sa Phoenix, 112-111, at matapos ang krusyal turnover ng Sacramento, naisalpak ni Oubre ang dunk mula sa mintis na tira ni Warren para sa 114-111 bentahe.
WOLVES 119, THUNDER 117
Sa Oklahoma City, nakamit ng bagitong coach na si Ryan Saunders ang unang panalo sa NBA career sa teritoryo ng karibal nang maungusan ng Minnesota Timberwolves ang Thunder.
Ratsada si Andrew Wiggins sa naiskor na season-high 40 puntos at 10 rebounds para sandigan ang Wolves sa debut game ng kanilang bagong interim coach.
Sa edad 32-anyos, si Saunders, anak ni dating Timberwolves head coach Flip Saunders, ang pinakabatang coach sa NBA. Pinalitan niya ang sinibak na si Tom Thibodeau nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Nag-ambag si Karl-Anthony Towns ng 20 puntos at tumipa si Dario Saric ng 15 puntos para sa Timberwolves.
Kumana si Russell Westbrook ng 25 puntos at 16 assists para sa Thunder, ngunit naisablay ang three-pointer sa buzzer na nagpanalo sana sa Oklahoma City.
Humugot si Paul George ng 27 puntos at tumipa si Steven Adams ng 20 puntos at 12 rebounds.
Sa iba pang laro, naisalpak ni Serge Ibaka ang basket sa huling 17 segundo para sandigan ang Toronto Raptors kontra Atlanta Hawks, 104- 101; habang kumubra si Lou Williams ng 27 puntos at 10 assists s apanalo ng Los Angeles Clippers kontra Charlotte Hornets 128-109.