IPINAHAYAG ng Le Tour de Filipinas (LTdF) ang pagpalit ng petsa sa 10th edition ng premyadong karera upang makapagambag sa paghahanda ng bansa sa 30th Southeast Asian Games hosting at sa rehabilitasyon ng lalawigan ng Bicol na nasalanta nang kalamidad.
Ayon kay UBE Media Inc. President Donna Lina, ang LTdF na orihinal na nakatakda sa February 17-21 ay lalarga tampok ang limang stage para mas matutukan ang pagsasagawa ng torneo, gayundin ang pakikiisa sa paghahanda ng SEA Games na nakatakda sa November 30 hanggang Disyembre 11.
Iginiit ni Lina na mas makatutulong ang organisasyon sa paghahanda kung maiuurong ang karera at mabigyan nang higit na panahon ang Pinoy riders sa kanilang kampanya sa biennial meet na gaganapin sa bansa sa ikaapat na pagkakataon mula noong noong 1981, 1991 at 2005.
Sinulatan na ng UBE Media, sa pamamagitan ng Asian Cycling Confederation at Philcycling na pinamumunuan nina Rep. Abraham Tolentino at Chairman Bert Lina, ang International Cycling Union (UCI), ang international federation na nangangasiwa sa cycling, para sa bagong petsa na Hunyo 14-18.
“The Le Tour organization wanted to help harness our cyclists to their best possible condition in time for the SEA Games,” pahayag ni Lina. “And because of the recent calamity that struck Camarines Sur, Albay, Sorsogon and the rest of the Bicol Region, it has become more imperative that we postpone the race.”
Isinailalim sa ‘state of calamity’ ang Albay, Camarines Sur at Sorsogon matapos salantain ng bagyong Usman, na lumikha ng baha at pagkasira sa mga pananim partikular sa bayan ng Sagnay.
“In as much as we are ecstatic to celebrate 10 years of the Le Tour, we are one in prayers that our countrymen in the Bicol Region recover fast and well from the calamity,” pahayag ni Lina.
Sa nakalipas na taon, naiurong din ang petsa ng LTdF sa buwan ng Mayo mula sa dating Pebrero matapos magalburuto ang Bulkang Mayon noong Enero.
Sa programang inihanda ngayong taon, magsisimula ang LTdF sa Tagaytay City, sentro ng kompetisyon sa cycling -- road, mountain bike at BMX— at tatahakin ang mga lalawigan ng Batangas, Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay at Sorsogon. Host ang Legaspi City sa huling araw ng karera na nasa Category 2.2 ng UCI Asia Tour race.
Matrabaho para sa Philippine cycling ang buwan ng Hunyo sa nakatakdang PhilCycling National Championships for Road, MTB at ang BMX, gayundin ang isinusulong na UCI National Commissaires’ Course para sa tatlong cycling disciplines. Gagamitin din ang mga torneo para sa pagpili ng mga mga miyembro ng Philippine Team sa SEA Games.
Liyamado si El Joshua Carino ng Philippine Navy-Standard Insurance para magdepensa ng korona laban sa matitikas na challenger kabilang si 2014 winner Mark John Lexer Galedo ng continental team 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines.
Sasabak din sa karera ang Go For Gold team at National Under-23 Team ng PhilCycling.
-Annie Abad