HINDI pa man naipatutupad ang balak na paglipat ng New Bilibid Prison (NBP) sa Neuva Ecija, isa na namang gayon ding plano ang isinusulong sa Kamara. Ang naturang mga panukala -- paglilipat nga ng NBP sa Nueva Ecija, n ngayon ay nais namang ilipat sa Tanay, Rizal -- ay may magkahawig na adhikain: Paglilipat ng bilangguan sa kanayunan, mula sa kalunsuran sa kasalukuyang tahanan ng NBP sa Muntinlupa City.
Bukod dito, naniniwala ako na ang paglilipat ng NBP ay may kaakibat ding makabuluhang layunin: Pagluwag ng naturang bilangguan na ngayon ay kinapipiitan ng libu-libong preso na masyado nang nagsisiksikan. Nagiging dahilan ito ng paglaganap ng mga sakit at malimit na sagupaan ng iba’t ibang grupo na nagiging dahilan naman ng bloody riot.
Maaaring makasarili ang mga pananaw hinggil sa paglilipat sa aming lalawigan sa NE. Subalit tulad ng laging binibigyang-diin sa pamamagitan ni Provincial Administrator Atty. Al Abesamis, ni Gov. Czarina Umali, ang naturang plano ay makatutulong nang malaki sa pangangalaga at seguridad ng mga bilanggo; ang nasabing piitan ay itatayo malapit sa Fort Magsaysay na kampo ng 7th Infantry Division ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Magiging kaagapay ang ating mga sundalo sa pagpapanatili ng katahimikan, lalo na sa pagsugpo ng mga bangayan at iba pang kaguluhan. Isa ring rehabilitation center ang maaring maitatag para naman sa makatuturang pagbabago ng mga preso.
Natitiyak ko na halos gayon din ang pakay ng isa pang panukala sa paglilipat ng NBP sa Baranggay Duyambay, Tanay, Rizal. Ang nasabing plano na nagkataong pinausad ni Muntinlupa Congressman Rozzano Rufino Biazon, ay naglalayong mailipat sa kanayunan ang NBP; ang kinatatayuan nito sa urban center o kalunsuran ay nagiging panganib sa mamamayan, lalo na ang mga naninirahan sa paligid nito. Madaling makapasok dito ang mga kriminal na maaaring kasabwat ng mga preso -- isang estratehiya sa pagpasok ng mga illegal drugs at deadly weapon sa bilangguan.
Naging batayan ng naturang paglilipat sa NBP ang Proclamation No. 1158 na pinagtibay noong Sept. 8, 2006. Ang plano ay inaasahang pangangasiwaan ng Department of Justice (DoJ) at Department of Finance (DoF).
Ngunit isang malaking katanungan ang marapat na sagutin ng mga kanauukulan: Ano kaya ang magiging kapalaran ng iiwanang NBP site? Matulad kaya ito sa malalawak na ari-arian ng gobyerno na ngayon ay tinatayuan ng nagtatayugang gusali ng malalaking shopping malls at condominiums?
-Celo Lagmay