IPINAGDIRIWANG niya ang kanilang ika-28 anibersaryo. Kalimitan ng mga tao ay papangarapin na ipagdiwang ang ganitong mahalagang kaganapan sa buhay sa tahanan sa piling ng kanilang pamilya, marahil kasama ng ilang malalapit na kaibigan. Ngunit pinili ni Rep. Rodel Batocabe ng Ako Bicol partylist na ipagdiwang ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga Pamaskong regalo sa isang grupo ng mga persons with disability (PWD) at ng mga senior citizens sa isang lokal na paaralang elementarya nitong nakaraang Sabado.
Bandang 3:00 ng hapon, pasakay na siya sa kanyang sasakyan matapos mamahagi ng regalo nang pagbabarilin siya at ang kanyang security escort na si SPO1 Orlando Diaz ng dalawang lalaking nakamotorsiklo, na walang dudang gunmen for hire. Nangyari ito sa katirikan ng araw sa gitna ng umpukan, ngunit nagawang makatakas ng mga salarin.
Pamamaslang sa pamamagitan ng tandem na nakamotorsiklo—ito na ba ang bagong normal? Hindi ito ang unang pagkakataon na sa ganitong paraan isinagawa ng ilang mga ganitong uri ng mga tao ang isang krimen, natatakpan ang kanilang mukha ng ipinatutupad na pagsusuot ng helmet, kaya naman madali lamang silang nakatakas nang hindi nakikilala. Dati na itong problema ng pulisya na hanggang ngayon ay hindi pa nalulutas.
Napalitan na ba ng kultura ng karahasan ang diyalogo bilang paraan ng paglutas sa isang sigalot? Sa nakalipas na mga taon, marami nang opisyal—mga gobernador, mayor, pinuno ng mga ahensiya ng pamahalaan---ang pinaslang. Samantala, marami namang kaso laban sa mga opisyal ang nakabimbin sa korte at nananatiling walang hatol sa mga nakalipas na taon. May kaugnayan kaya ang dalawang pagbabagong ito?
Ito na ang ikatlo at huling termino ni Batocabe bilang Kongresista at tumatakbo sa pagka-alkalde ng Daraga, Albay, sa nakatakdang midterm election sa Mayo 13, 2019. Ang pagpatay na ito ay karagdagan sa lumalaking bilang ng mga kandidato na pinaslang. Magiging madugo ba ang hahalang ito?
Si Batocabe ang unang nakaupong kongresista na pinatay at ang kanyang pagkamatay ay kinokondena na isang pag-atake sa Kamara de Representantes bilang isang institusyon. Kaya maraming mambabatas ang nag-ambag sa pabuyang alok para sa impormasyong makatutulong sa pag-aresto ng mga salarin, na ngayo’y tinatayang nasa P30 milyon na. Mayroon bang ibang respetadong institusyon ng pamahalaan—sa sangay ehekutibo, lehislatura, at hudikatura—ang dapat mangamba sa ganitong katulad na pag-atake?
Ang pagpatay ba kay Congressman Batocabe ay isang senyales ng “moral decay” sa bansa na nabanggit ni Senador Richard Gordon, na bahagi ng pagtaas ng mga negatibong elemento na naniniwalang “a culture of violence is the only way to change?” Partikular na nakapukaw ng atensiyon ang pamamaslang kay Botocabe dahil nangyari ito sa gitna ng pagdiriwang ng bansa ng kapayapaan at kaligayahan sa panahon ng Pasko.
Ang kinakailangan ay ang mabilis na aksiyon ng pulisya upang matukoy ang dahilan ng pamamaslang at masagawa ang pag-aresto. Nawa’y makatulong ang P30 milyong pabuya na inialok ng mga miyembro ng Kongreso. Ngunit sa lahat ng mga aksiyong ito ng pulisya, dapat na pag-aralan ng ating mga opisyal at iba pang lider ang maraming katanungan hinggil sa lipunan at pulitika ng Pilipinas, mga tanong na may kaugnayan sa tila tumataas na kultura ng karahasan at pangamba sa pagguho ng pagpapahalaga at pagkalat ng naaagnas na moralidad.