Iginiit ni Senator Bam Aquino na dapat nang ipamahagi sa lalong madaling panahon ang kabuuang budget sa Tertiary Education Subsidy (TES), sa kabila ng pagpapalabas ng Commission on Higher Education (CHEd) ng P4.8 bilyong pondo.
“I welcome the release of the said amount as it proves the administration’s commitment to implement the program under the law,” wika ng senador, na principal sponsor ng Republic Act 10931 (Universal Access to Quality Tertiary Education Act).
Matatandaang inilabas ng CHEd ang P4.8 bilyon para sa TES program, sa ilalim ng batas sa libreng kolehiyo, para sa mga estudyante sa 112 state universities and colleges (SUCs) at 78 local universities and colleges (LUCs).
Gayunman, ipinaliwanag ni Aquino na dapat ding agad ilabas ang natitirang P11.2 bilyong pondong nakalaan sa TES sa 2018 budget upang mapakinabangan ng mga estudyante.
“Siguraduhin natin na ang buong budget na nakalaan para sa TES ay mailabas sa lalong madaling panahon, kasama na rito ang mga scholarship para sa mga estudyante ng private Higher Education Institutions (HEIs),” dagdag ni Aquino.
-Leonel M. Abasola