SA mistulang paglusob sa Metro Manila ng ating mga kapatid na katutubo, biglang sumagi sa aking utak ang isang madamdaming eksena, maraming taon na ang nakalilipas:
Isang munting regalo na may kasamang kaunting barya ang ibinigay ko sa namamalimos. Sino naman ang hindi mababagbag ang damdamin sa isang kapatid nating katutubo na nakalahad ang mga kamay samantalang kilik ang kanyang ‘tila kapapanganak na sanggol?
Noon, tulad ngayon, tuwing sumasapit ang Kapaskuhan, ang tinatawag na mga indigenous peoples (IPs)—mga Aeta mula sa dalisdis ng Mt. Pinatubo sa Pampanga, mga Badjao mula sa Mindanao, at iba pang katutubo—ay dumadagsa sa Metro Manila. Bitbit ang kani-kanilang mga supling at halos gulanit ang mga kasuotan, buong pagmamakaawang humihingi ng limos; hindi alintana ang panganib na maaaring suungin nila samantalang nakalahad ang mga kamay.
Palibhasa’y lantay na maawain—natitiyak kong katulad ng iba nating mga kababayan, walang pag-aatubili kong nililimusan ang mga lumalapit na IPs. Hindi ko alintana kung sila man ay bahagi ng mga sindikato na walang inatupag kundi gamitin ang mga kahabag-habag na mamamalimos para sa kanilang masakim na hangarin. Ang mahalaga, lubhang kailangan ng naturang mga katutubo ang kahit kaunting limos na pantawid-gutom; kahit man lamang tuwing Christmas season.
Ngayon, nakapanlulumong mabatid na ang pagpapamalas ng gayong kagandahang-loob ay mistulang kinitil ng Anti-Mendicancy Law (AML). Mahigpit na ipinagbabawal ng naturang batas ang paglilimos sa kaawa-awa nating mga kababayan. Sinasabing pinarurusahan ng batas ang sinumang magbibigay sa mga mamamalimos kahit na ang mga ito ay halos lumuhod sa pagmamakaawa. Hindi ko matiyak kung parurusahan din ang sinumang tatanggap ng limos.
Kamakalawa, kamuntik na akong matuksong maglimos sa mga katutubo na nakahanay sa kahabaan ng Mindanao Avenue sa Quezon City. Palibhasa’y may matayog na pagpapahalaga sa umiiral na mga batas, ang pagiging mahabagin ay mistulang kinitil ng kapangyarihan ng AML.
Totoong masyadong malupit ang naturang batas; mistulang inaagaw nito ang pagkaing isusubo na lamang ng mga mamamalimos. Sana ay matauhan ang ating mga mambabatas na pawalang-bisa ang AML at bumalangkas ng batas na magpapaangat sa karalitaan ng ating mga kababayang IPs.
-Celo Lagmay