INANUNSIYO kamakailan ng Japan ang plano nitong bumili ng mas maraming Stealth fighters, long-range missiles, at iba pang armas pangdepensa sa susunod na limang taon. Nitong Martes, inaprubahan din ng gabinete ni Prime Minister Shinzo Abe pagsasaayos ng dalawang helicopter carrier na may kakayahang magdala ng US-made F-35b Stealth fighters. At sa susunod na dekada, bibili ang bansa ng 147 na F-35 na eroplano, kabilang ang 42 F-35Bs.
Sa likod ng hakbang ng Japan na palakasin ang puwersang pandepensa nito ay ang kasaysayan ng pasipismo, na mula pa noong nagwakas ang Ikalawang Digmaag Pandaigdig nang ipagtibay ng natalong Japan ang Artikulo 9 at idagdag ito sa kanyang Konstitusyon noong 1947. Isinasaad ng Artikulo 9: “Aspiring sincerely to an international peace based on justice and order, the Japanese people forever renounce war as a sovereign right of the nation and the threat or use of force as means of settling international disputes.”
Kasusuko pa lamang ng Japan sa puwersa ng Amerika sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig at bagamat may sarili itong pamahalaan na pinamumunuan ni Prime Minister Kijuro Shidehara, nanatili si Hen. Douglas MacArthur, ang Supreme Commander ng Allied Powers, sa Tokyo bilang pinuno ng puwersang nananakop. Nagkaroon ng Japan Self-Defense Forces, para sa kalupaan, pandagat at panghimpapawid ngunit hanggang pambansang kapulisan lamang ang sakop nito at para lamang sa pambansang seguridad.
Makalipas ang pitong mahabang dekada, pinagtibay ng pamahalaan ng Japan ang reinterpretasyon ng Artikulo 9 upang pahintulutan ang Self-Defense Forces ng Japan na ipagtanggol ang mga kaalyado nito. Nang sunod na taon, matapos ang mahabang mga debate pinagtibay ng National Diet ang isang batas na nagpapahintulot sa militar na suportahan ang mga kaalyado nito sa ibang mga bansa sa sitwasyon kung saan ang kawalan ng aksiyon ay magdudulot ng panganib sa “lives and survival of the Japanese nation.” Pumapayag ito na makilahok ang militar ng Japan sa mga dayuhang sigalot “for collective self-defense” para sa mga kaalyado.
Dahil sa pasipistang Konstitusyon at ang resulta nitong maliit na armadong puwersa, hindi nagawang ihayag ng Japan ang sarili nito ng higit sa kagustuhan nito sa pakikipag-ugnayan sa ibang mga bansa. Habang unti-unting tinatanggal ng Estados Unidos ang pakikialam nito sa bahaging ito ng daigdig, nanatili itong nakadepende sa Japan para sa tulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at ng interes nito sa rehiyon.
Sa kasalukuyan, isa ang Japan sa malapit na kaibigan at kaalyado ng Pilipinas. Umaasa tayong ang pagpapalawak nito ng puwersang pandepensa makalipas ang ilang dekada mula ng magapi ito sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay makatutulong upang mapanatili ang kapayapaan na matagal na nating tinatamasa sa bahaging ito ng mundo.