INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes nitong Disyembre 11 ang Resolution of Both House No. 15, na nagmumungkahi ng isang bagong burador ng Konstitusyon na layuning palitan ang kasalukuyang Konstitusyon ng 1987, na pangunahing nananawagan ng isang presidential-bicameral-federal na sistema ng pamahalaan. Naglalaman ang resolusyon ng isang mungkahing bagong Konstitusyon kasama ng lahat ng detalyado nitong probisyon, katulad ng termino sa opisina ng pangulo at sa iba pang mga pambansang opisyal, gayundin para sa mga mambabatas.
Isinama rito ang ilang probisyon na iminungkahi ng Consultative Committee, na pinamumunuan ni dating Chief Justice Renato Puno, ngunit kabilang din sa mungkahi ang ilang mga probisyon na makikitang naglalarawan sa makitid na interes ng ilang mga mambabatas. Tinanggal ng Kamara sa mungkahi nitong Konstitusyon ang kasalukuyang probisyon laban sa mga pulitikal na dinastiya, ang itinatakdang termino para sa mga mambabatas, at ang mga artikulo sa panlipunang katarungan at karapatang pantao.
Malaking sorpresa ang biglaang pag-apruba ng Resolustion No. 15, lalo’t paulit-ulit na idinideklara ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo na kulang na sa oras at hindi na kakayanin ng kasalukuyang 17th Congress na bumuo ng burador para sa bagong Konstitusyon bilang isang Constituent Assembly at ang bagay na ito ay kailangan nang ipaubaya sa susunod na 18th Congress, na ang mga miyembro ay ihahalal sa midterm election sa Mayo 13, 2019.
Tunay naman na ito ang tamang hakbang na dapat gawin, dahil hindi dapat minamadali ang pagbuo ng isang Konstitusyon. Lalo na para sa ating susunod na Konstistusyon dahil sangkot dito ang malalaking pagbabago—pagbubuong muli ng buong pamahalaan ng Pilipinas upang makalikha ng ilang rehiyunal na estado, na bawat isa ay may sangay ehekutibo, lehislatura, at hudikaturang sistema. Na lahat ay mapapasailalim ng isang pederal na sistema ng pamahalaan kasama ng kasalukuyang mga pambansang departamento at ahensiya.
Gumugol ng anim na buwan ang Consultative Committee, na pinamunuan ni dating Chief Justice Renato Puno, upang malikha ang burador ng Konstitusyon na agad na inulan ng kaliwa’t kanang batikos, lalo na dahil sa kakulangan nito ng probisyon para sa malaking halagang kailangan sa dagdag na sangay ng gobyerno.
Sa pagsisimula ng linggong ito, naglabas ang mga pangulo ng mga paaralan ng Ateneo sa buong bansa ng isang pinagsamang pahayag na nananawagan ng pangangailangan para sa isang bukas na diskusyon at debate sa paglikha ng isang inisyatibong reporma. “Sadly this process of deliberation has been undermined and hijacked by the recent move of Congress to push for Charter change,” pahayag ng mga Heswitang edukador.
Ang kinakailangan ay isang malawakan at higit na konsultasyong talakayan, isang tiyak at lahukang pambansang dayalogo hinggil sa konstitusyunal na reporma, ayon sa mga guro. Mangangailangan ng mahabang panahon ang pagbubuo ng isang bagong Konstitusyon at hindi kakayanin ng mabilisang panahon sa termino ni Pangulong Duterte, dagdag pa nila.
Una nang idineklara ng Senado na hindi ito makikilahok sa isang Constituent Assembly na boboto bilang isa, sa halip na dalawa bilang magkahiwalay na sangay—ang Kamara at Senado. Marahil, sa pagdaraos nito ng hiwalay na sesyon para sa bagong Konstitusyon, maaari itong mag-imbita ng iba’t ibang grupo, katulad ng mga pangulo ng Ateneo, upang magsumite ng kanilang mungkahing mahahalagang probisyon, kung hindi man isang buong Konstitusyon. Upang sa pagtatagpo ng dalawang kapulungan para pagsamahin ang kani-kanilang bersiyon ng mungkahing Konstitusyon, maging isang produkto ito na pinagkasunduan ng sambayanan.