UNFORGETTABLE talaga ang teleseryeng The Greatest Love ni Sylvia Sanchez kung saan gumanap siyang may Alzheimer dahil maski saan siya magtungo ay laging ‘Mama Gloria’ o ‘Nay Gloria’ pa rin ang tawag sa kanya.
Kung sa TGL ay inaalagaan siya ng anak niyang si Dimples Romana na ang karakter ay maldita dahil mahal na mahal niya ang nanay Gloria niya, pero hindi naman siya matandaan na kaya masakit sa kalooban ng anak na hindi siya makilala ng sariling ina.
Mauulit ang eksenang ito sa Maalala Mo Kaya (25th anniversary presentation) na mapapanood bukas, Sabado, dahil gagampanan ni Sylvia ang naging karakter ni Dimples sa The Greatest Love at siya naman ang hindi matatandaan ng ina.
Base sa trailer ng MMK na may titulong Finding Nita, gaganap na ina ni Sylvia si Ms Boots Anson Roa (Mrs Boots Rodrigo) na hindi na rin makilala ang anak, at kitang-kita sa trailer na nasaktan si Ibyang nang tanungin siya ng nanay niya kung sino siya.
Maski may pamilya na si Ibyang sa karakter na Jona ay hindi pa rin niya pinababayaan ang ina at sa katunayan nga ay naglalaan siya ng oras para alagaan ito. Pero sa kabilang banda, hindi nabigyan ng sapat na pag-aaruga simula pagkabata si Jona dahil abala ang ina sa pagtitinda, na hanap-buhay nila, hanggang sa nagkaroon na nga ng problema si nanay Nita.
Masalimuot ang kuwento ng Finding Nita mula sa direksyon ni Nuel Naval na isinulat ni Arah Jeil Badayos. Kasama rin sa cast sina Nonie Buencamino, James Blanco, Axel Torres, Marc Acueza, Tom Doromal, Ced Torrecarrion at Alexa Ilacad.
-REGGEE BONOAN