Mas marami nang manggagawa ang nire-regular ng kanilang mga employer dulot ng kampanya ng pamahalaan laban sa end of contract.

Sa ulat ni Labor Secretary Silvestre Bello III, hanggang nitong Disyembre 3 ay nasa 411,449 na manggagawa ang na-regular kabilang ang 11,600 manggagawa ng SM.

“I know it is still low, percentage wise, considering the number of contractual workers in the country,” pahayag niya, kasabay ng pagbabahagi ng yearend report ng ahensiya.

“Never in history has that number been achieved,” pagmamalaki pa ng Kalihim.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Bello, 35 porsiyento sa nabanggit na bilang ang na-regular bilang resulta ng paglalabas ng compliance order, habang 65% ang boluntaryong ni-regular ng mga employer.

Ibinahagi rin ng DoLE Secretary ang plano ng mga miyembro ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na i-regular ang kanilang mga empleyado.

“ECOP said all its members will regularize all their employees. We are just waiting for their timeline,” aniya.

Inalok din umano ng Kalihim na tanggalin ang inspeksiyon ng kanilang mga miyembrong kumpanya, maliban na lamang kung mayroong maghain ng reklamo laban sa kanila.

Halos 137,000 establisyemento sa buong bansa ang nainspeksiyon ng ahensiya simula Agosto 2016 hanggang Hunyo ngayong taon, na sumasakop sa 9.4 milyong manggagawa.

Habang nasa mahigit 900,000 pa ang kailangang inspeksyunin ng DoLE.

-Leslie Ann G. Aquino