Siyam na katao ang sumasailalim ngayon sa interogasyon kaugnay ng massacre sa isang pamilya sa Barangay Ipil, Gonzaga Cagayan, kamakailan.
Sa ulat na tinanggap kahapon mula sa tanggapan ni Cagayan Police Provincial Office director Senior Supt. Warren Tolito, nasa kustodiya na nila ang siyam na suspek na umano’y nasa likod ng pamamaslang sa anim na katao, kabilang ang isang menor de edad.
Sa paunang pagsisiyasat, alitan sa lupang aabot sa 11 ektarya ang lumalabas na motibo sa krimen.
Sa huling update sa imbestigasyon, nabatid na hindi lang taga ang tinamo ng ilang biktima kundi may tama rin sila ng bala.
Ayon sa post mortem examination ni Dr. Lui Sunico, lumilitaw na si Dizon Oandasan ay binaril sa kanang baba, si Wilson Oandasan ay binaril naman sa pagitan ng mga mata, habang sa ulo ang tama ng bala ni Dizon, Jr.
Isasailalim din sa paraffin test ang siyam na suspek at kapag nagpositibo ay posibleng masampahan ng kaso ang mga ito.
-LIEZLE BASA IÑIGO