KUNG gaano katangkad at kalaki, literal na ganun din ang agwat ni Ateneo de Manila University juniors basketball team center Kai Sotto sa kanyang mga katunggali para sa UAAP Season 81 juniors basketball tournament Most Valuable Player race.
Matapos ang first round, nakatipon ang third-year Blue Eaglets star ng 93.29 statistical points (SPs) pagkaraang pangunahan ang koponan sa pagtapos na may 5-2 marka.
Ang 7-foot-1 na si Sotto ang siya ring league leading scorer (25.29 points), rebounder (12.71 boards) at blocker (3.29 blocks). Mayroon din siyang average na 2.71 assists per game.
Taglay niya ang saktong 20-puntos na kalamangan sa pinakamalapit nyang katunggali na si Mark Nonoy ng University of Santo Tomas na mayroong 70.86 SPs.
Nakapagtala ang Negrense guard ng aversges na 18.29 puntos, 9.14 rebounds, 5.71 assists, at 1.71 steals para sa Tiger Cubs na kasalukuyang nasa panglimang puwesto hawak ang 3-4 na baraha.
Pumapangatlo naman ang kakampi ni Sotto na si playmaker Forthsky Padrigao na may 70.0 SPs, pang-apat ang isa pang guard mula FEU-Diliman na si RJ Abarrientos na may 62.57 SPs at ikalima si Adam Manlapaz ng Adamson na may 60.17 SPs.
Kabilang din sa top 10 contenders makalipas ang unang round sina NU big man Carl Tamayo (60.0 SPs), Adamson guard Joem Sabandal (58.14 SPs), UST power forward Bismarck Lina, (55.43 SPs), FEU-Diliman winger Royce Alforque (55.29 SPs), at De La Salle-Zobel forward Lance Jomalesa (53.00 SP’s).
-Marivic Awitan