ANG oasis, o owasis, ay isang liblib at malayong pook na tinutunton ng mga manlalakbay upang makarating sa kanilang paroroonan. May mga puno na maaaring silungan at balon o bukal na mapagkukunan ng tubig sa gitna ng malawak na disyerto. Nagsisilbing pahingahan din ng mga hayop at biyahero ang owasis upang huwag mamatay sa uhaw at gutom na dulot ng init sa araw at kawalan ng maiinom na tubig. Ang owasis ay buhay, habang ang disyerto ay tiyak na kamatayan.
Sa ating paglalakbay at pakikipagbuno araw-araw sa maraming yugto ng hamon, ‘di maiwasang gumuhit sa ating isipan, puso, tiyan at konsiyensya ang “disyerto”. Nariyan ang pagsubok sa kalungkutan o kahirapan na lahat ay pinagdadaanan natin. Masasabing tayong lahat ay biyaherong maitutulad na naghahanap ng masisilungan sa gitna ng mga unos at balakid patungo sa tuwid na landas.
Dito sa Cebu, mayroong “Oasis” para sa mga taong pagod at nabibigatan sa kanilang sisidlan habang nakikipagbuno sa bawat umaga na kanilang hinaharap. Sa gitna ng kahapisan ng ating kapanatilihan, mahalagang ma-ibatingaw para sa kabatiran ng lahat, at sa buong bansa, na may matatakbuhan tayong pahingahan sa ating pagod na kaluluwa.
Ang Oasis Cebu ay buhay na buhay sa gitna ng disyerto sa ating buhay. Sa pangunguna ni Nonito “Tatay Dodong” Limchua, mula pa noong 1995, 74 na “Walking with Jesus” seminar o retreat na ang napagtagumpayan. Lahat ng tao, maging anong denominasyon o inaanibang relihiyon, ay nagawaran na ng pagbabago sa sarili at kanilang pamilya sa pamamagitan ng tatlong araw na seminar. Susi rito ang pagyakap sa pagmamahal ng Diyos, pagpapasakop kay Kristo, pagpapatawad ng kasalanan, paghilom sa mga nagdaang sugat at pakikipag-ayos sa pamilya. Pati drug addicts, may karamdaman, at iba pa ay nakatanggap na ng lunas o milagro sa kanilang sarili, gayundin ng pagkakaroon ng relasyon sa Panginoon, kay Kristo Hesus, at pagkakaroon ng basbas mula sa Banal na Espiritu. Mismong si Tatay Dodong at kanyang karamdaman ay buhay na patotoo sa pagmamahal ng Poong Maykapal. Siguro, kung mamamarapatin, lahat ng pulitiko ay dapat mag-retreat, para magbago na rin ang Pilipinas.
-Erik Espina