NGAYONG naibalik na sa ating bansa ang makasaysayang Balangiga bells, lumutang ang kasiya-siyang impresyon na nakalundo sa lalong pag-igting ng relasyon ng Pilipinas at ng United States (US). Ang pagsasauli ng naturang mga kampana na tinangay ng mga sundalong Amerikano ay ginawa bilang ‘war booty’ pagkatapos ng madugong Philippine-US war, halos 117 taon na ang nakalilipas. Ang nasabing eksena ang humilom o nagsara sa madilim na kasaysayan ng ating bansa na paminsan-minsan ding tinatampukan ng pag-iiringan ng ilang sektor ng ating mga kababayan na itinuturing nating American Big Brothers.
Bagamat hindi na kailangang ulit-ulitin, hindi maitatanggi na halos nag-iisa si Pangulong Duterte na mistulang nag-utos sa mga Amerikano na isauli ang nabanggit na mga kampana na sinasabing dinambong sa Balangiga church sa kasagsagan ng nabanggit na giyera. Kung hindi ako nagkakamali, ang nasabing panawagan ay halos isinigaw ng Pangulo sa kanyang nakalipas na State-of-the-Nation-Address (SONA) sa kanyang matinding hangaring maibalik sa bansa ang itinuturing na simbolo ng tagumpay ng mga Pilipino sa naganap na madugong digmaan.
Bilang pagpapahalaga sa pagbabalik ng mga kampana, isang panukalang-batas ang isinulong sa Kamara upang ang Disyembre 11 taun-taon ay ideklarang non-working national holiday bilang ‘International Friendship, Cooperation and Diplomacy Day in the Philippines’. Ang gayong okasyon ang magiging sagisag ng pagsisikap ng ating mga kababayan – mga beteranong Filipino at Amerikano, iba’t ibang grupong pang-relihiyon at pang-sibiko – upang matamo ang kalayaan at kapangyarihan para sa ating bansa.
Gusto kong maniwala na ang pagbabalik ng nabanggit na mga kampana ay uuntag sa kamalayan ng Pangulo upang bumisita sa United States; upang damahin ang pinaniniwalaan kong mainit na relasyon ng US at Pilipinas. Nais kong makiisa sa pananaw ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na maaaring mahikayat o makumbinse ang Pangulo na dumalaw sa Amerika sa susunod na taon. Katunayan, sinasabi na ang ating Philippine Ambassador to US ay makikipag-usap sa Pangulo hinggil sa planong US state visit.
Wala akong makitang dahilan upang ipagwalang-bahala ng Pangulo ang pagbisita sa isang makapangyarihang bansa na naging kaagapay natin sa maraming larangan ng pakikipagsapalaran – lalo na sa pakikipagdigmaan alang-alang sa kasarinlan.
-Celo Lagmay