NAPANATILI ni National mainstay Marian Capadocia ang korona sa women’s single, habang itinanghal na bagong kampeon si Jeson Patrombon sa men’s singles division ng 37th PCA Open nitong Linggo sa Philippine Columbian Association grounds sa Paco, Manila.
Nadomina ni Capadocia si Shaira Hope Rivera, 6-4, 6-3, para makolekta ang ikaanim na titulo sa pinakamatanda at prestihiyosong tennis tournament sa bansa.
“Yung PCA ngayon, di ko talaga plano salihan. Andami lang talaga nag-push sa akin na sumali para i-defend ulit yung crown ko. So sila din naging inspiration ko and nagpapasalamat ako na andito sila lahat,” pahayag ng 23-anyos na pambato ng Arellano University.
Dikdikan naman ang duwelo sa men’s division finals na umabot sa mahigit tatlong oras bago nanaig si Patrombon at agawin ang korona sa dating kampeon na si Bryan Otico, 7-6, 0-6, 4-6, 6-1, 6-1.
Inspirado sa pagiging isang ama, nailusot ni Patrombon ang dikitang first set , ngunit nabokya siya ng 19-anyos na si Otico sa second set at naungusan sa sumunod na duwelo.
Sa gipit na sitwasyon, nagawang makaalpas ni Patrombon ang nagawang diktahan ang tempo ng laro para sa dominanteng biyahe sa kampeonato.
““Actually di talaga ako kumpyansa dito sa PCA Open. Nagka-baby ako just last October so parang wala ako masyadong practice. Ginawa ko lang puro jogging. Wala talaga akong inisip na magandang result. Basta naglaro lang ako, walang pressure. So ayun, nalagpasan ko ang lahat ng iyon at thankful ako sa nangyari sa akin,” pahayag ni Patrombon, nakamit ang unang PCA Open men’s singles crown sa career.