Magbibigay ang pamahalaan ng tulong pinansiyal sa pinakamahihirap na sektor sa bansa upang mapagaan ang inaasahang epekto ng pagpapatupad ng mas mataas na buwis sa gasolina sa susunod na taon.

Ito ang siniguro kahapon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, matapos aprubahan ni Pangulong Duterte ang mungkahi ng economic team nito na ipagpatuloy ang nakatakdang pagpapatupad ng ikalawang bugso ng excise tax sa gasolina sa Enero 2019, kasunod ng pagbaba ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang merkado.

“While the oil excise tax increase is a negligible contributor to inflation, we still commit to provide financial assistance to the 50% poorest households,” paliwanag ni Panelo.

Nakipagpulong ang Pangulo sa Gabinete nitong Martes upang talakayin ang rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na ituloy ang pagtaas ng buwis sa gasolina sa susunod na taon matapos bumaba ang presyo ng langis sa world market.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sa ilalim ng tax reform law, inaasahang magbabahagi ang pamahalaan ng mga cash subsidy na mahihirap na pamilya at fuel vouchers sa mga public utility jeepney driver bilang ayuda sa epekto ng mas mataas na buwis.

“Under the TRAIN law suspension of excise taxes is provided for only when the global price of oil averages $80 per barrel or higher for three consecutive months,” ani Panelo.

“The current oil price has gone down to 53 to 52 dollars per barrel hence the legal requirement for the suspension of excise tax on fuel cannot be met,” dagdag pa niya.

-Genalyn D. Kabiling