PAGKATAPOS ng sunud-sunod na pagbabawas o rollback sa presyo ng mga produkto ng petrolyo, biglang lumutang ang planong oil price hike ng ilang kumpanya ng gasolina at diesel. Lumilitaw na ang walong magkakasunod na oil price rollback ay pampalubag-loob lamang ng naturang mga negosyante; kaagad nilang isusunod ang dagdag na presyo na tiyak na magpapahirap sa sambayanan, lalo na sa ating mga kababayan na laging nakalugmok sa karalitaan.
Kung hindi mahahadlangan ang pagpapatupad ng naturang nakadidismayang balak, natitiyak ko na idadahilan na naman ng mga oil companies ang pabagu-bagong presyo ng naturang produkto sa pandaigdigang pamilihan. Isa itong estratehiya ng ilang mapanlamang na negosyante na mistulang lumilinlang sa taumbayan na pikit-mata namang kumakagat sa anumang presyo na itinatakda nila sa mga oil products.
Totoong hindi masasagkaan ang pagsasamantala ng ilang kumpanya ng langis sa kanilang sinasabing masakim na pagnenegosyo. Lagi silang nakasandal sa kapangyarihan ng Oil Deregulation Law (ODL); maaari silang magtakda ng anumang halaga sa kanilang produkto na ipinagbibili sa mga motorista. Taliwas ito sa makataong paghahanapbuhay ng ilang oil companies na laging nagmamalasakit sa ating mga kababayan.
Sa ganitong sistema – ang pagsandal sa ODL – ay mistulang nakatali ang kamay ng gobyerno; hindi nito mapakialaman ang naturang makasariling pagnenegosyo dahil nga sa naturang batas na matagal na sanang pinawalang-bisa o sinusugan man lamang. Dangan nga lamang at ang administrasyon – at ang mismong mga mambabatas – ay laging nagbibingi-bingihan sa panawagan ng iba’t ibang sektor laban sa kapinsalaang idinudulot ng nasabing batas.
Dahil sa bumaba-tumaas na presyo ng mga produkto ng langis, nabubulabog ang ating mga kababayan, lalo na ang mga mananakay o pasahero ng mga sasakyang pambayan. Natataranta ang mismong Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagbabawas at muling pagtataas ng mga pasahe. Dahilan ito ng walang katapusang pag-iiringan ng mga transport operator at mga tsuper at ng nabanggit na ahensiya ng pamahalaan.
Sa gayong situwasyon, nalalantad ang kawalan ng kakayahan ng administrasyon na lutasin ang mga gusot at tiwaling mga patakaran na lalong nagpapahirap sa sambayanan
-Celo Lagmay