NGAYONG magwawakas na sa Disyembre 31 ang deklarasyon ng martial law sa Mindanao, malakas ang aking kutob na ito ay palalawigin pa ng Malacañang at Kongreso. Walang kagatul-gatol ang rekomendasyon ni outgoing Armed Forces Chief of Staff Carlito Galvez, Jr. kay Defense Secretary Delfin Lorenzana hinggil sa martial law extension sa naturang rehiyon.
Natitiyak ko na ang naturang rekomendasyon ay bunsod ng hindi pa humuhupang terorismo sa iba’t ibang komunidad sa Mindanao. Maugong din ang kahilingan ng mga local government units (LGUs) tungkol sa pagpapalawig ng batas militar na inaakala nilang lumipol sa mga karahasan at panliligalig sa kani-kanilang mga nasasakupan; kaakibat ito ng pagpuksa sa illegal drugs at mistulang paglumpo sa mga drug lords.
Isang malapit na kamag-anak ang nagpahiwatig ng matinding kahilingan upang palawigin ang martial law sa Mindanao. Sa Jolo, Sulu sila ipinadpad ng kapalaran maraming taon na ang nakalilipas; bagamat nakadarama sila ng bahagyang katahimikan, hindi pa rin naglulubay ang mga elemento ng Abu Sayaff Group (ASG) sa paghahasik ng mga kaguluhan. Kaliwa’t kanan pa rin ang pananambang na nagiging dahilan ng kamatayan ng mga rebelde at ng ating mga sundalo at pulis at ng mismong mga sibilyan. At lagi silang minumulto ng malagim na masaker sa Patikul na ikinamatay ng ating 45 na kawal, maraming dekada na ang nakararaan.
Ang mga pananaw hinggil sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao ay maaaring taliwas sa paninindigan ng ilang sektor ng sambayanan. Maaaring ito ay kinokondena ng ilang sekta ng pananampalataya na tulad ng Simbahang Katoliko na sa mula’t mula pa ay salungat na sa proklamasyon ng martial law.
Maging ang nangangalandakang tagapagtanggol ng mga paglabag sa karapatang pantao ay maaaring nanggagalaiti sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao. Hindi nagbabago at lalo pa yatang umigting ang kanilang paglaban sa naturang kautusan sa matuwid na ito ay tahasang pagyurak sa katauhan na dapat igalang ng sinuman.
Maaaring makasarili ang aking pagkatig sa martial law extension. Makatao at hindi sinagkaan ang kilos ng mga mamamayan; itinuon ng mga tagapagpatupad ng naturang utos ang kanilang mga pagsisikap upang lipulin ang mga panliligalig na malimit inihahasik ng mga kaaway ng katahimikan.
Marapat lamang na panatilihin ang gayong mga kapaligiran at iwasan na ito ay makahawig ng martial law noong rehimeng Marcos; tinampukan ito ng katakut-takot na paglabag sa human rights at mistulang pinatay ang demokrasya. Hindi na ito dapat maulit upang tayo ay hindi multuhin ng bangungot noong panahon ng kadiliman.
-Celo Lagmay