HINAHANGAAN ko ang katalinuhan ng anak kong si Camille at ang hindi nagmamaliw niyang pagnanais na madagdagan pa ang kanyang mga kaalaman. Alam niyang upang mapangasiwaan nang maayos ang aming retail group, kailangan niyang maintindihan hindi lang ang gusto ng mga consumer kundi maging ang realidad ng ekonomiya ng ating bansa.
Naiintindihan niyang sumisigla ang kakayahan ng mga Pilipinong mamimili dahil sa umaalagwang ekonomiya ng bansa. Bilang isang millennial leader, alam niyang determinado ang kabataan na sumubok ng sarili nilang paraan, at dahil sa pagkakalantad sa sari-saring kultura sa pamamagitan ng paglalakbay at telebisyon, mas bukas na ngayon ang mga tao sa iba’t ibang konsepto mula sa iba’t ibang panig ng mundo na nakaiimpluwensiya sa atin.
Personal kong nasaksihan kung paanong nahulma si Camille mula sa pagiging batambatang manager na buong husay na tinanggap ang mga aral ng bago niyang kapaligiran hanggang sa maging isang tunay na lider na naglunsad ng sarili niyang paraan ng pamumuno. Sa Vista Land, napansin kong siya ang tipo ng lider na nagtuturo ng dapat gawin, sa halip na nagmamando. Mayroon siyang sariling leadership style na nagbibigay ng pahintulot sa kanyang grupo upang ilahad at subukan ang kani-kanilang ideya. Madali siyang lapitan at pinahahalagahan niya ang mga kontribusyon ng bawat isa sa kanyang mga tauhan.
Natutuwa ako na hindi si Camille ‘yung tipo ng armchair leader, o iyong namumuno mula sa kumportable at air-conditioned niyang opisina. Itinuturing niya ang sarili bilang operations person. Gusto niyang matutuhan at makita nang personal kung paano ginagawa ang mga bagay-bagay, kung paano aktuwal na kinukumpleto ang trabaho. Sa kabila ng kanyang katalinuhan, buong kababaang-loob na tinatanggap niya sa kanyang sarili na hindi sapat ang pagkakaroon ng diploma upang mabatid niya ang lahat ng kaalamang kailangan niya. Alam niya na ang aktuwal na karanasan ang nagbibigay-daan sa tunay na kaalaman.
Sa isa sa mga panayam sa kanya, nagbiro siya nang sabihing siya ang kanyang “dad’s minion”. Pero totoo namang epektibo ang tandem namin sa trabaho. Isang patunay dito ay ang proyekto na dulot ng pareho naming pagkahumaling sa kape: ang Coffee Project.
Hindi ko kailanman nagustuhan ang mga meeting sa loob ng mga conference room o opisina. Masyado itong pormal, bukod pa sa limitado ang lugar. Kaya naman hanggang maaari ay ginagawa ko ang aking mga meeting sa mga coffee shop kung saan malaya akong nakakapag-isip at nakikipagtalakayan. Mahilig ako sa kape at sa aking palagay, isa ito sa mga bagay na namana sa akin ni Camille.
Hindi kami nasiyahan sa ilan sa mga coffee shop na binisita namin, kaya naman nagpasya kaming magtayo ng sarili naming coffee shop kung saan maaaring isabay sa paghigop ng masarap na kape ang malayang talakayan at pag-iisip nang malalim. Ito ang mararanasan ninyo sa lahat ng sangay ng aming Coffee Project.
Ngunit higit sa ano pa man, ang labis kong ipinagmamalaki sa aking anak ay ang kanyang pagmamahal at malasakit sa ibang tao. Isa siyang mabuting tao na laging nasasaisip ang kapakanan ng iba. Bilang isang magulang, umaasa kang lalaki ang iyong mga anak bilang mga disente, marespeto, at sibilisadong tao. Nabiyayaan kami ni Cynthia sa larangang ito. At naniniwala akong isa sa mga nakaimpluwensiya kay Camille upang magmalasakit sa ibang tao ay ang naging karanasan niya bilang co-host sa paggabing game show ni Willie Revillame na “Will Time Big Time.”
Sinasabi niya sa akin kung paanong hinahangaan niya ang mga taong madaling araw pa lang ay nasa studio na sa pag-asang makakatsambang manalo ng pera o appliances. Nagulat din siya kung paanong nilalapitan siya ng mga taong hindi siya kilala para magpahayag ng pagmamahal at paghanga sa kanya—pagmamahal at paghangang ibinabalik niya sa mga ito.
Dalawang bagay ang natutuhan niya: na kailangan natin ang ibayong pagsisikap upang mapagtagumpayan ang laban kontra kahirapan, at ang pagmamahal at pag-aaruga sa ibang tao ay walang kinikilalang kasarian, socio-economic status, relihiyon, at maging pulitika.
Lagi kong itinuturo sa kanya na ang pagsisilbi sa bayan ay isang bagay na maaaring gawin sa loob at labas man ng gobyerno. Sa negosyo man o pulitika, pareho lang ang patakaran—mahalin ang mga tao at isaisip ang kanilang mga pangangailangan. Nang sumabak ako sa pulitika noong 1992, bitbit ko ang kaparehong pagpapahalaga at kaalaman bilang negosyante na may buong malasakit sa mga tao. Wala akong duda na magagawa rin ni Camille ito.
-Manny Villar