ANG mga lumang jeepney—Public Utility Jeepneys or PUJs—ay maaaring manatili sa mga pambansang lansangan kung ligtas sa kalsada ang mga ito, pahayag ni Secretary Artheur Tugade ng Department of Transportation (DoTr) nitong nakaraang Lunes, sa gitna ng patuloy na pagsusulong ng pamahalaan ng modernization program.
Sa ibang sektor nagmula ang oposisyon sa modernisasyon na isinusulong ng DoTr nitong nakaraang linggo—maliliit na grupo ng trucking na nananawagan ng limang araw na “truck holiday” na ipinoprotesta ang pagbabawal sa 15-taon nang truck, sa pagsasabing ang ‘roadworthiness’, sa halip na edad ng sasakyan ang dapat na maging panuntunan sa anumang pagbabawal.
Hindi masyadong nakaapekto ang “truck holiday” sa proseso ng mga kargamento sa pier, lalo’t hindi naman nakiisa rito ang malalaking trucking companies. Ngunit ang punto ng ‘roadworthiness’ ay kinikilala ni Secretary Tugade sa isang pulong-balitaan para sa isinasagawang programa upang tanggalin na ang mga lumang PUJs mula sa mga lansangan ng bansa. Sa kabuuang 600,000 jeepney sa buong bansa, sinabi niyang nasa 220,000 lamang na hindi ligtas na gamitin sa kalsada ang maaapektuhan ng tatlong taong modernisasyon.
Tunay ngang panahon na para iretiro ang maraming jeepney sa bansa, lalo na ang mga luma na nagdudulot ng polusyon ang makina at kulang sa kinakailangang katawan tulad ng mga ‘turning at breaking lights’. Kaya naman magpapatuloy ang DoTr sa plano nitong modernisasyon na tampok ang paggamit ng Euro-4 compliant engines o electric motors na sumusunod sa panuntunan ng Clean Air Act of 1999, na may side mirror imbes na rear doors at emergency exit para sa kaligtasan ng mga pasahero, speed limiter, at automatic fare collection system.
Upang matulungan ang mga operator at drayber sa pagpapalit ng mga bagong jeepney, gumawa ang pamahalaan ng financing system na may mababang interest rate at down payment, na maaaring bayaran sa loob ng pitong taon at 80,000 sa subsidiya ng pamahalaan. Sinabi ni Secretary Tugade na sa pag-aaral na isinagawa sa mga jeepney driver, sa ilalim ng bagong sistema ng modernong jeepney, sapat pa rin ang kikitain ng mga drayber para sa kanilang pamilya. Samakatuwid, sa maraming aspekto ng planong modernisasyon, naglaan ang pamahalaan ng sapat na pag-aaral at atensiyon.
Tunay namang isang makulay na bahagi ng kasaysayan ng transportasyon sa Pilipinas ang jeepney, mula pa noong panahon ng kalayaan nang baguhin ng mga malikhaing Pilipino ang surplus na American military jeep at gawing isang pangunahing paraan ng transportasyon sa bansa, na pumalit sa mga pinatatakbo ng mga kabayong calesa bilang hari ng kalsada.
Patuloy na pagsisilbihan ng mga jeepney ang maraming Pilipino, ngunit kakailanganin nilang makaayon sa mga bagong pamantayan ng trapiko at pangangalaga sa kapaligiran, bilang tugon sa mga batas na pinagtibay na sa nakalipas na mga taon, at hanapin ang kanilang bagong lugar na pangkalahatang sistema ng transportasyon sa bansa tulad ng plano ng Department of Transportation.