PAGKATAPOS ng bicam sa Universal Health Coverage (UHC) Bill, natitiyak ko na ang naturang panukalang-batas ay nakalatag na sa mesa ni Pangulong Duterte. Kung ito ay hindi mahahagip ng kanyang makapangyarihang veto power, ang UHC ay maituturing na hulog ng langit sa sambayanan, lalo na sa mga nakatatandang mamamayan, maralita, at marginalized sector na malimit dalawin ng mga karamdaman; maliban kung hindi ihuhulog ng Pangulo ang kanyang habag sa sambayanang Pilipino.
Wala akong makitang dahilan upang mag-atubili ang Pangulo sa paglagda sa UHC. Bukod sa ito ay sinertipikahan niyang urgent measure, ipinagdiinan pa sa kanyang nakaraang State of the Nation Address (SONA) ang pagkakaloob sa lahat ng mataas na kalidad ng serbisyong pangkalusugan.
Ang karapatan sa kalusugan o right to health ay ginagarantiyahan ng Universal Declaration of Human Rights at ng ating Konstitusyon. Pananagutan ng gobyerno na tiyakin ang pangangalaga sa kalusugan ng taumbayan sa pamamagitan ng kumpletong medical care at health facilities, na natitiyak kong isinusulong na ng administrasyon.
Biglang sumagi sa aking utak ang Botica ng Bayan na binuhay ng Duterte administration. Ang naturang programa ay unang inilunsad noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na ngayon ay House Speaker; adhikain nito na pagkalooban ang sambayanan, lalo na ng mahihirap, ng libreng gamot.
Hindi ko matiyak kung hanggang saan na ang narating ng nabanggit na programa na pinaglaanan ng limang bilyong pisong pondo mula sa Pagcor; kung ito ay isinulong ng Department of Health at Department of Social Welfare and Development at ng iba pang health agencies ng gobyerno.
Isa pang proyektong kahawig nito ang umusad din sa Kamara; tinawag na Libreng Gamot Program, naglalayon din ito na magkaloob ng medisina sa ating mga kababayan, lalo na sa mga senior citizen at sa mga nadgarahop na pamilya. Hindi ko rin matiyak kung saan na ang naging progreso ng naturang medical program.
Matunog din ang pag-iral ng Malasakit Center na sinasabing nagkakaloob din ng medical assistance at libreng gamot sa mga nangangailangan. Hindi ko na matiyak kung ang mga ito ay nakapaglilingkod sa buong sambayanan; o sa ilang lugar lamang sa bansa.
Sana, ang pagsusulong ng naturang mga programang pangkalusugan ay hindi maging produkto ng imahinasyon; upang ang mga ito ay hindi maging hulog ng kapabayaan at kawalan ng malasakit.
-Celo Lagmay