HINDI ko nais panghimasukan o pakialaman ang pagkakahirang ni Pangulong Duterte kay Associate Justice Lucas Bersamin bilang bagong Chief Justice ng ating Korte Suprema; kung mayroon mang magkakasalungat na pananaw sa naturang isyu. Sapat nang bigyang-diin na ang pagtatalaga sa naturang Mahistrado – at sa iba pang presidential appointee – ay kapangyarihan at sariling karapatan ng sinumang Pangulo ng bansa; at kung sinuman ang nais niyang italaga sa alinmang tungkulin.
Naniniwala ako na may sariling pamantayan na pinagbabatayan ang Pangulo sa pagpili ng mga opisyal na magiging katuwang niya sa pag-ugit ng pamahalaan. Lagi niyang ipinangangalandakan, halimbawa, ang seniority rule, kakayahan o mga kuwalipikasyon sa paghawak ng makatuturang pananagutan, at iba pa.
Nakadidismaya nga lamang at may pagkakataon na ang ilan sa hinirang ng Pangulo ay naliliko ng landas, wika nga; natutukso sa kapangyarihan at nalulugmok sa katiwalian. Nakatutuwa namang mabatid na ang mga tiwaling appointee ay kaagad niyang sinisibak – kahit na ang mga ito ay malapit sa kanyang puso. Isipin na hindi niya pinatawad ang mismong mga kaalyado niya na tumulong sa pagkakaluklok sa kanya sa panguluhan.
Ang gayong karapatan at kapangyarihan ay tinaglay rin ng nakaraang mga administrasyon. Hindi ba walang nanghimasok kay dating Pangulong Benigno Aquino III nang hirangin niya si dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno? Nang italaga niya ang kauna-unahang babae at pinakabatang Punong Mahistrado ng Korte Suprema? Presidential prerogative ni Aquino na humirang ng sinumang opisyal na inaakala niyang epektibong katuwang sa pamamahala ng gobyerno.
Sa aking pagkakatanda, isa ring dating Pangulo ang nagtalaga ng isang pangkaraniwang manggagawa sa isang mataas na puwesto sa pamahalaan. Sa kabutihang-palad, ang naturang opisyal ay gumanap ng makabuluhang misyon na nagpaangat ng kabuhayan ng bansa; naging dahilan ng pagkakaroon ng sapat na pagkain o rice self-sufficiency ng bansa.
Kapangyarihan at sariling karapatan ng Pangulo ang pagpili ng kanyang magiging katuwang sa administrasyon, lalo na sa mga gawain hinggil sa paglipol ng katiwalian, pagsugpo ng illegal drugs, at sa paglikha ng matinong pamahalaan.
-Celo Lagmay