LAMANG sa suntukan pero natalo pa rin sa 10-round unanimous decision si WBO Asia Pacific Youth welterweight champion Adam Diu Abdulhamid ng Pilipinas kay Aussie boxer Joel Comilleri nitong Nobyembre 24 sa Town Hall, Malvern, Melbourne, Australia.
Nabatid na nakipagsabayan ang tubong South Cotabato na si Abdulhamid kay Comilleri at nakalamang sa bigwasan ngunit nanaig pa rin ang Aussie boxer sa tatlong hurado mula Australia para sa bakanteng WBC Asian Boxing Council welterweight title at tiyak na papasok sa world rankings.
Napaganda ni Comilleri ang kanyang rekord sa 16-5-1 na may 7 panalo sa knockouts samantalang bumagsak ang kartada ni Abdulhamid sa 13 panalo, 7 talo na may 5 pagwawagi sa knockouts.
-Gilbert Espeña