SA isang media forum kamakalawa na dinaluhan ng mga nakatatandang mamamahayag, biglang lumutang ang naka-iintrigang impresyon: Nakaligtaan o kinaligtaan. Ang tinutukoy nila ay si Nora Aunor – ang kinikilalang superstar sa larangan ng pag-awit at pelikula na pinagkaitan na naman ng karangalan bilang isang National Artist. Sa kadahilanang hindi mahirap unawain, mistulang binura ang kanyang pangalan sa listahan ng mga pinarangalan ni Pangulong Duterte.
Nagkakaisa ang paniniwala na ang mga katulad kong senior media practitioners, na si Nora Aunor ay matagal na sanang pinarangalan bilang National Artist; natugunan niya ang mga katangian na angkop sa nasabing karangalan. Panahon pa ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III nang unang tumindi ang mga panawagan upang kilalanin ang kahanga-hanga at makabuluhang pagpapahalaga ng superstar sa sining. Iyon din ang unang pagkakataon, sa aking pagkakaalam, na hindi siya isinali sa talaan ng mga nominees. Naging biktima kaya siya ng pulitika at ng mga intriga na kagagawan ng mga mapagkunwaring alagad ng sining?
Maaaring makasarili ang pananaw ng mga kapuwa ko nakatatandang mamamahayag. Nasubaybayan kasi namin ang pakikipagsapalaran ni Nora Aunor mula sa pagiging kampeon ng Tawag ng Tanghalan hanggang sa siya ay kilalaning superstar ng Philippine movies. Sa maliit na paraan, naging kaagapay ang National Press Club (NPC) sa kanyang tagumpay; kahanga-hanga ang kanyang performance tuwing siya ay nagiging guest singer sa ating Celebrity Night simula pa noong dekada 60; isang okasyon na malimit ding daluhan ng ngayon ay mga kapuwa natin nakatatandang media men.
Hindi maaaring maliitin ang kahusayan ni Nora Aunor sa larangan ng aninong gumagalaw. Ang ginampanan niyang pelikulang ‘Himala’, halimbawa, ay itinanghal na Best Asian Pacific Movie of All Time sa Berlin International Film Festival noong 1983. Isa lamang ito sa daan-daan niyang pelikula na ang karamihan ay umantig sa damdamin ng mga manonood.
Ang aming paramdam hinggil sa mailap na Order of National Artist award kay Nora Aunor ay hindi nangangahulugan ng pagmaliit sa kakayahan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Cultural Center of the Philippines (CCP) sa pagpili ng pararangalan. Manapa, iginagalang natin ang kanilang paraan ng pagkilatis sa mga pararangalan, lalo na kung ang gayon ay hindi nababahiran ng pag-aalinlangan.
-Celo Lagmay