KAHIT na walang humpay at detalyado ang paglilinaw ng administrasyon sa masalimuot na Memorandum Order No. 32, hindi rin mapawi-pawi ang agam-agam ng sambayanan sa kinatatakutang deklarasyon ng martial law sa buong bansa. Hanggang ngayon, naniniwala ako na nagmumulto pa, wika nga, ang batas militar na ipinatupad ng Marcos regime na kumitil sa karapatan ng mga mamamayan.
Ang naturang MO ay nag-aatas sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa Philippine National Police (PNP) na magtalaga ng mga tropa sa mga lugar na ginagambala ng mga karahasan. Maaaring totoo na may mahigpit na pangangailangan upang sugpuin ang mga panliligalig na inihahasik ng mga kampon ng kasamaan; marapat na panatilihin ng mga sundalo at pulis ang katahimikan sa mga komunidad bilang pagtupad sa kanilang makabuluhang misyon: To serve and protect. Kaakibat ng kanilang tungkulin ang paglipol sa kriminalidad na bunsod ng illegal drugs, kidnap-for-ransom activities, lalo na ngayong napipinto ang mid-term elections.
Ngunit hindi maiaalis na mangamba ang taumbayan na ang pagpapakalat ng militar at police troops hindi lamang sa Visayas at Mindanao kundi maging sa iba pang panig ng kapuluan, ay isang nakakikilabot na paghahanda sa deklarasyon ng martial law. Kapani-paniwala na hindi na magiging mahirap ang implementasyon ng gayong situwasyon sapagkat nakapuwesto na ang mga elemento ng batas military. Marahil nga, sapagkat isang kumpas na lamang at hindi malayong masaksihan ng sambayanan ang isang eksena na pumatay sa demokrasya at sumiil sa lahat ng anyo ng mga karapatan.
Biglang sumagi sa aking utak ang walang kaabug-abog na deklarasyon ng martial law noong 1971 – noong panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos. Mistulang tumigil sa pag-ikot ang kapaligiran – dinakip ang mga kaaway ng naturang administrasyon, isinara ang lahat ng broadcast at print media outfit, kabilang na ang pinaglilingkuran naming dating Manila Times Publishing Co. Ang aking mga kapuwa mamamahayag ay nanatiling nakatunganga at mistulang inagawan ng ikinabubuhay, higit sa lahat, ng aming karapatan sa malayang pamamahayag o press freedom.
Totoong hindi dapat panghimasukan ang mga patakaran at programang ipinatutupad ng Duterte administration. Karapatan nito na pagapangin, wika nga, ang martial law sa buong bansa; na magtatag ng revolutionary government kung kinakailangan.
Nais lamang naming masaksihan ang katuparan ng pangakong laging ipinangangalandakan ng administrayon: Malinis, matapat at matatag na gobyerno para sa mahigit na 100 milyong Pilipino.
-Celo Lagmay