“BAKIT ako magdedeklara ng martial law? Pwede ko kayong arestuhin at patayin kapag hindi kayo tumigil,” wika ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa inagurasyon ng Cavite Gateway Terminal nitong nakaraang Huwebes.
Nais ng Pangulo na mapawi ang agam-agam na hindi magtatagal ay isasailalim niya ang buong bansa sa military rule. Ito ay pagkatapos siyang magbanta na magpapakalat siya ng mga sundalo sa entertainment at gaming hub sa Roxas Boulevard sa Maynila, na ayon sa kanya, ay pinamumugaran ng mga user at kidnapper. Pero, nito lang nakaraang Biyernes, inilabas ng Malacañang ang Memorandum 32 ng Pangulo na nananawagan ng pagpapakalat ng mga sundalo at pulis sa Samar, Negros Oriental, Negros Occidental at Bicol region “to suppress lawless violence and acts of terror.” Ang kautusan ay nagpapahintulot din ng pagpapaigting ng intelligence operation, imbestigasyon at prosekusyon ng mga tao o grupo na nasa likod ng karahasan at walang kinikilalang batas. Kailangang palakasin ang direktiba ng Pangulo para maiwasan ang pagkalagas ng mga inosenteng buhay at pagkasira ng mga ari-arian at ibalik sa normal ang kalagayan ng bansa sa lalong madaling panahon.
Ayon din sa kautusan, may mga manaka-nakang karahasan ang nangyari sa maraming probinsya. Binanggit ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo ang pananambang na kumitil sa buhay ni dating San Jose de Buan, Samar Mayor Ananias Rebato; ang pagpatay sa opisyal ng pulis sa Guihulingan, Negros Oriental; ang masaker sa siyam na magsasaka ng Sagay City, Negros Occidental at ang pananambang sa convoy ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Nela Charade Puno sa Camarines Sur.
Pero ang mga insidenteng ito ay hindi masasabing ‘di-pangkaraniwan para masira ang normal na kalagayan ng bansa. Tulad ng tinuran ng memorandum order, manaka-naka lamang ang mga ito na kaya na ng puwersa ng pulisya at sundalo para mapanatili ang katahimikan sa normal na kondisyon. Sabi nga ni Akbayan Rep. Tom Villarin, hindi na kailangan ang nasabing direktiba kung nababalisa ang Pangulo sa mangisa-ngisang insidente ng karahasan. “Puwede nang mapangalagaan ang kaayusan at kapayapaan sa pamamagitan ng chain of command at sibakin ang mga opisyal na hindi gumaganap ng kanyang tungkulin,” dagdag pa niya.
Higit na may batayan ang pananaw ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison hinggil sa Memorandum Order No. 32. Aniya, ito ay bahagi ng vicious de facto at mapaniil na martial law bilang paunang hakbang para sa pormal na martial law upang yariin ang halalan sa 2019, ang Charter change para sa bogus na pederalismo at pagtatag ng diktadura ala Marcos.
Bakit nga hindi, eh, sa mababaw na dahilan ay ikinakalat na ang mga sundalo at pulis sa kanyang mga piniling lugar. Sukat ba namang pati ang lugar ng aliwan at sugalan ay binantaan niyang kakalatan ng mga sundalo dahil nakaistambay dito ang mga usur at kidnapper. Pero, napakadaling gumawa ng scenario ng kaguluhan, bombahan, at patayan dahil sa droga. Kumalat na kasi ang bulto-bulto at bilyun-bilyong pisong droga na pinalusot sa Bureau of Customs (BoC) na epektibong magagamit na dahilan para idekalara ang martial law.
-Ric Valmonte