DAHIL sa kabi-kabilang fake news at sa manaka-nakang paglabag sa kalayaan sa pamamahayag, lalong tumindi ang aking pagpapahalaga sa campus journalism. Ang naturang asignatura na itinuturo sa mga kolehiyo at pamantasan ang maituturing na epektibong barometro sa matino at makabuluhang pamamahayag; dito nagsisimula ang paghubog sa mga campus journalist bilang paghahanda sa kanilang pagiging mga professional media practitioners.
Ang pagtataguyod ng campus journalism ay hindi tanging obligasyon ng mga paaralan. Ito ay marapat ding pasiglahin ng iba’t ibang sektor, tulad ng local government units (LGUs). Nagkataon na ang naturang asignatura ay isinusulong din sa Dagupan City na pinamumunuan ni Mayor Belen Fernandez. Naglaan ang kanyang tanggapan ng apat na milyong piso sa hangaring ayudahan ang mga kabataang mamamahayag na pag-ibayuhin ang kanilang kaalaman sa peryodismo.
Palibhasa’y minsan ding naging isang campus journalist, naniniwala ako na sa mga kolehiyo at unibersidad isinisilang, wika nga, ang halos lahat ng ating mga kapatid sa media. Karamihan sa kanila ay hindi lamang nagiging mahuhusay na reporters; ang ilan sa kanila ay nanunungkulan pa hanggang ngayon bilang mga editor at ehekutibo sa mga print at broadcast media outfit.
Maging ang ilang media foundation ay nagtataguyod din ng mga journalism seminar upang panatilihin ang kahalagahan ng pamamahayag sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran. Ang Teodoro F. Valencia Foundation, halimbawa, ay matagal nang nagbunsod ng gayong seminar bilang pagpapahalaga sa alaala ni Ka Doroy na kinikilalang haligi ng peryodismo sa bansa.
Maging ang National Press Club of the Philippines (NPC) na minsan din nating pinamunuan ay naglunsad din ng journalism seminar hindi lamang sa campus journalist, kundi maging sa mga anak ng ating mga kapatid sa pamamahayag. Katunayan, ang ilan sa kanila ay naging NPC scholar na namasukan sa mga pribadong tanggapan; samantalang ang ilan ay naging bahagi ng tinatawag na Fourth Estate o media.
Sa pagtataguyod ng campus journalism at ng iba pang seminar hinggil dito, kailangang maging kaakibat nito ang wastong pamamaraan ng pag-iwas sa mga fake news o palsipikadong mga sulatin. Higit sa lahat, marapat na paigtingin ang pagtatanggol sa press freedom o kalayaan sa pamamahayag. Ang tagumpay ng kambal na misyong ito ay nakaangkla sa totoong mga impormasyon na dapat malaman ng sambayanan.
-Celo Lagmay