“LIGTAS ako. Hahanapan natin ng katarungan ang pagkamatay ng aking ama.” Ito ang isinulat ni Mayor Aleli Concepcion ng Balaon, La Union sa post sa social media, bagamat hindi niya ipinaalam ang kanyang kinaroroonan. Ang kanyang tinukoy na ama ay si Vice Mayor Al-Fred Concepcion.
Si VM Concepcion ay nasawi sa pananambang ng mga hindi kilalang gunmen noong Nov. 14, samantalang si mayor at ilang mga kasama nila ay nasugatan. Patungo ang mag-ama sa Balaon Municipal Hall noong Miyerkules ng umaga sa magkahiwalay na sasakyan nang paulanan ang mga ito ng bala.
Si Al-Fred ay nanungkulan muna bilang La Union board member noong 1992-2001. Nahalal na vice mayor ng Balaon noong 2001-2007 bilang kandidato ng Lakas-CMD. Noong 2007, nagwagi siyang alkalde, nahalal muli noong 2010 at 2013. Nang matapos niya ang tatlong sunud-sunod na termino, tumakbo siyang vice mayor at ang ikinandidato niyang mayor ay ang kanyang anak na si Aleli.
Si Aleli ang unang babae at pinakabatang alkalde ng Balaon. Nauna siyang nanungkulan bilang Sangguniang Kabataan chair ng Barangay Dr. Camilo Osias noong 2002-2007 at naging barangay chairperson noong 2013-2016 nang tumakbo siya para alkalde. Ang mag-amang Concepcion ay rehistradong kandidato para sa re-election sa darating na halalan.
Pangkaraniwan nang ginagawa ng mga pulitiko sa ating bansa ang ginawa ng mga Concepcion sa Balaon. Ang mga magkakamag-anak ay naghahalili sa mga posisyon sa gobyerno. Sa mga nakalipas ay bigo ang lahat ng pagsisikap para mabuwag ang nakagawiang ito. Katunayan nga, maliwanag itong ipinagbabawal sa Saligang Batas na nilikha pagkatapos patalsikin ng taumbayan ang diktadurang rehimeng Marcos.
Ayon sa batas, ang Estado ay nagagarantiya ng patas na oportunidad para sa serbisyo-publiko at ipinagbabawal ang political dynasties na lilinawin sa pamamagitan ng batas. Kaya lang, ang Kongreso na nahalal mula nang malikha ang Saligang Batas ay hindi nagpasa ng batas para ipaliwanag ang kahulugan ng political dynasty. May mga panukulang batas ngayon sa Kongreso, pero wala ito sa prioridad ng mga mambabatas para talakayin man lang.
Institusyon na ang political dynasty sa ating pulitika. Mahirap na itong matinag lalo na dahil nakagawian din ito ang ating Pangulo. Nang dumating ang term limit niya bilang mayor ng Davao City, tumakbo siyang kongresista. Nang sumunod na halalan, binalikan niya ang posisyon ng pagka-alkalde. Nang matapos niya ang tatlong sunud-sunod na termino, tumakbo naman siyang vice mayor at ang ikinandidato niya sa pagka-mayor ay ang kanyang anak na si Sara Duterte Carpio, na siyang ginawa mismo ni Al-Fred Concepcion sa kanyang anak na si Aleli.
Kung hindi mareremedyuhan ang political dynasty, lulubha ang pagiging marahas ng ating pulitika. Nakahanap na ang kapwa nila pulitiko ng sariling paraan sa hangaring mahinto ang political dynasty at makasingit naman sila. Halimbawa nga nito ang naganap na insidente sa Balaon at sa iba pang bahagi ng bansa.
-Celo Lagmay