NAKOPO ng defending champion Ateneo de Manila ang kanilang ikalawang sunod na panalo pagkaraang gapiin ang Adamson University, 75-59, kahapon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 81 Juniors’ Basketball Tournament sa Blue Eagle Gym.

Ito’y sa kabila ng hindi paglalaro ng ace playmaker ng Blue Eaglets na si Forthsky Padrigao, na nagpapagaling mula sa operasyon ng kanyang appendicitis.

Nanguna namang muli para sa Ateneo ang higanteng si Kai Sotto na nagtala ng 27 puntos, at 20 rebounds kasunod si David Diaz na may 13 puntos at 15 rebounds.

“We didn’t play a perfect game today but I’m extremely proud of my boys this week, the whole week. Forthsky went out due to his appendectomy. Instead of using that as an excuse for us to not work hard,” pahayag ni Blue Eaglets coach Reggie Varilla.

Angelica Yulo, proud na ibinida hakot awards na 'Golden Boy' anak na si Eldrew

Tumapos namang topscorer si Joem Sabandal para sa Adamson sa ipinoste nitong 23 puntos.

Sa isa pang laban, nakabawi naman sa 61-74 kabiguan sa kamay ng Ateneo noong opening ang University of Santo Tomas nang talunin nila ang University of the Philippines Integrated School, 75-63.

Tumapos na may tig-21 puntos sina John Bismark Lina at Mark Nonoy upang pamunuan ang nasabing bounce back win ng Tiger Cubs.

Dahil sa pagkabigo, bumaba ang Baby Falcons sa patas na markang 1-1, panalo-talo habang nanatiling walang panalo ang UPIS matapos ang dalawang laro.

-Marivic Awitan