SINIGURO ng Go For Gold Philippines ang kanilang bagsik sa paghahanda sa Southeast Asian Games na gagawin sa bansa sa 2019.
Ito ay matapos na humakot ng anim na ginto sa katatapos na Southeast Asian Senior Wrestling Championships na ginanap sa Dalubhasaang Lungsod ng San Pablo sa Laguna.
Binalikat ni SEA Games gold medalist wrestlers na si Margarito Angana at ng beteranong si Michael Vijay Cater ang koponana matapos na bumida sa kani-kanilang mga weight categories sa Greco Roman event gayundin si Noel Norada sa torneong nilahokan ng 11 bansa sa loob ng isang linggo.
Pinataob ni Angana ang pambato ng Thailand na si Plyabut Wiratul sa men’s 60kg habang si Cater naman ay naghari sa 55kg na nagpataob sa isa pang pambato ng Thailand na si Nattawut Keawkhanchum, kasunod ang panalo ni Norada kontra naman sa Vietnamese na si Pham Van Co.
Bukod sa tatlong makinang na ginto na unang nakuha ng mga nabanggit na wrestlers, sunod na nagtala ng panalo si Luke Cruz sa 125kg category sa men’s freestyle nang pataobin si Dimas Septo Anueraha ng Indonesia sa final round. Kasunod nito ay nag-ambag din ng ginto sa women freestyle sina Minalyn Foy-os (57kg) at Noemi Tener (68kg) para sa podium finish.
“We’re very proud our wrestlers. We believe that with our support, they can win more gold medals for the country,’’ masayang pahayag ni Go For Gold Philippines godfather Jeremy Go.
Samantala, hindi naman pinalad si two-time SEA Games gold medalist na si Jason Balabal, na makasilat ng ginto kontra sa kalaban na Indonesian sa men’s 87kg Greco Roman na siyang naging kapalaran din ni Jefferson Manatadame konra pa rin sa Indonesian sa 77kg.
Nakakuha rin ng silver sina Ronil Tubog sa 61kg at Francis Villanueva sa 97kg gayundin ang lady freestyle wrestlers na sina Grace Loberanes sa 50kg, Kristine Jambora sa 53kg, Shelly Avalino sa 62kg at Sweet Berry Perez sa 72kg.
Sa kabuuan, bukod sa anim na ginto nag-uwi din ng walong silvers at 13 bronze medals ang mga pinoy grapplers na suportado ng Go For Gold Philippines.
-Annie Abad