INALIS na ng Supreme Court (SC) ang balakid sa pagpapatupad ng K-12 nang ipasiya nito na naaayon sa ating Konstitusyon ang naturang education program ng gobyerno. Ibig sabihin, kinikilala ng mga Mahistrado ang kahalagahan ng nasabing programa sa pagkakaloob ng makabuluhan at mataas na kalidad ng edukasyon para sa ating mga kabataang mag-aaral – kindergarten, elementarya at high school na itataguyod ng Department of Edcuation (DepEd).
Maaaring isinaalang-alang din ng SC na higit na makatuturan ang pag-aaral sa secondary education sa loob ng 12 taon kaysa sa nakagawiang 10 taon; dalawang taon ang naidagdag para sa senior high school. At maaari rin namang pinahalagahan ng Kataas-taasang Hukuman ang pagtugon sa kalakaran sa ating mga kalapit na bansa na malaon nang nagpapatupad ng K-12. Lumilitaw na ang Pilipinas lamang ang walang gayong programang pang-edukasyon.
Gayunman, hindi ko matanggap hanggang ngayon ang nabanggit na mga pananaw. Naniniwala ako na ang naturang programa ay nangangahulugan ng dagdag na sakripisyo hindi lamang sa mga estudyante kundi lalo na sa mga magulang na tutugon sa lahat ng pangangailangan ng kanilang mga anak. Ang dagdag na dalawang taon ay dagdag na pasanin at magdudulot ng ibayong pagka-inip sa maagang pagtatapos ng mga mag-aaral bilang paghahanda sa kanilang pagpasok sa kolehiyo.
Sa kasabay na desisyon ng SC, inalis naman nito ang temporary restraining order (TRO) sa CMO 20 ng Commission on Higher Education (Ched) na nasasaad na ang mga asignaturang Filipino at Panitikan ay hindi core o compulsory subject sa kolehiyo. Sa naturang utos, lumilitaw na pinahintulutan ng SC ang mistulang pagbalewala ng Ched sa nabanggit na mga asignatura.
Gusto kong maniwala na ang nasabing SC decision ay maituturing na paglumpo sa nabanggit na mga asignatura. Ang wikang Filipino ay sagisag ng ating pagkakakilanlan o identity samantalang ang Panitikan ang naglalarawan ng tunay na diwa ng ating mayamang kultura. Wala akong makitang dahilan upang ang ganitong pananaw ay hindi maramdaman ng ating mga Mahistrado, mawalang-galang na.
Bigla kong naalala ang isang dating Mahistrado ng SC na masyadong matayog ang pagpapahalaga sa ating sariling wika. Si dating SC Associate Justice Ruben Reyes, sa aking pagkakaalam, ang kauna-unahang Mahistrado na sumulat ng desisyon sa Wikang Filipino.
Mabuti na lamang at ang DepEd ay naninindigan na lalo nilang paiigtingin ang pagtuturo ng Filipino. Ito kaya ay tularan ng Ched? Ang mistulang paglumpo sa Wikang Filipino ay maituturing na paglapastangan sa ating lahi.
-Celo Lagmay