NITONG nagdaang dalawang Sabado, nagsagawa ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng Manila Bay cleanup operation sa kahabaan ng Roxas Boulevard bilang bahagi ng ika-43 anibersaryo ng pagdiriwang. Noong Nobyembre 3, nakakolekta ang mga tauhan ng MMDA ng mga basura na pumuno sa walong dump truck. Nitong Nobyembre 10, panibagong pitong truck ng basura ang kanilang nakolekta.
Ang cleanup drive, na nilahukan ng mga empleyado ng Manila city government, ay magpapatuloy sa susunod na dalawang Sabado ng buwang ito. Walang dudang madaragdagan pa ang truck ng mga basurang makokolekta sa mga susunod na Sabado mula sa baybayin ng Roxas Blvd. At kung makikilahok ang iba pang bayan at pampamahalaang lungsod na nasa paligid ng Manila Bay, baka sakaling magising na ang buong bansa sa katotohanang naging “cesspool” na ang buong Manila Bay, higit kaysa Boracay nang ipag-utos ni Pangulong Duterte ang pagsasara nito para sa anim na buwang rehabilitasyon.
Malaking bahagi ng basura rito ay nagmumula sa Ilog Pasig mula Laguna de Bay at sa maraming sapa na dumadaloy dito mula sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila. Higit na malala kumpara sa basura ang mga dumi sa imburnal mula sa milyun-milyong bahay. Napakatindi ng polusyon sa tubig ng Manila Bay, kung saan ipinagbabawal na ang paglangoy dahil maaaring magdulot ng sakit ang simpleng pagkadait dito.
Noong 2008, bilang tugon sa reklamong inihain ng isang grupo ng mamamayan, naglabas ang Korte Suprema ng isang desisyon na nag-uutos sa 13 ahensiya ng pamahalaan, na pinamumunuan ng Department of Environment and Natural Resources para, “to clean up, rehabilitate, and preserve Manila Bay, restore and maintain its waters to make them fit for swimming, skindiving, and other forms of contact recreation.” Sampung taon na ang nakararaan at walang pinatunguhan ang kautusang ito para sa paglilinis ng look.
Nagsisimula nang mamulat ang buong daigdig sa malaking problema ng polusyon. Isang malawakang kampanya ang inilunsad upang aksiyunan ang isa sa mga aspekto ng polusyon—na dulot ng mga hindi nabubulok na plastic—ang milyong toneladang itinatapon sa mundo araw-araw, na humahantong sa mga dagat at karagatan ng mundo. Maliliit na piraso ng plastic ang nakakain ng mga isda at ngayo’y nagsisimula pumasok sa food chain ng tao, na nagbibigay-banta sa buong sangkatauhan.
Isang pagsisimula ang isinakatuparan sa isang uri ng plastic—ang straw na ginagamit na pangsipsip ng mga sorbetes mula sa botelya. Maraming establisyemento sa Pilipinas—mga fast-food outlet, restaurant, at mga hotel—ang ngayo’y ipinagbawal na ang paggamit ng plastic straw. Maliit mang hakbang kung tutuusin ngunit ang pag-asang lalago ito hanggang sa masama na ang milyong tonelada ng mga plastic na ngayo’y itinatambak natin araw-araw sa buong daigdig.
Ang MMDA cleanup drive sa kahabaan ng Roxas Boulevard ay mahalagang bahagi ng pandaigdigang pagsisikap na mahinto ang polusyon sa ating planeta. Dapat itong patuloy na lumago upang isang araw, makakasama na rito ang bawat bahay at bawat indibiduwal na maiwasan na ang hindi mabilang at araw-araw na paggawa ng polusyon, na kapag pinagsama-sama ay isang malaking banta sa ating planeta at sa ating buhay.