MULING dinomina ng Ateneo ang swimming competition nang walisin ang men’s and women’s class nitong weekend sa UAAP Season 81 swimming competitions sa Rizal Memorial Swimming Pool.
Sa pangunguna ni two-time Olympian Jessie Khing Lacuna, ginapi ng Blue Eagles ang De La Salle at University of Santo Tomas tangan ang kabuuang 475 puntos at hilahin ang dominasyon sa event sa limang sunod na season at ikaanim sa kabuuan.
Nakopo ni Lacuna ang ikapitong gintong medalya sa kanyang huling sabak sa collegiate competition sa impresibong record-breaking mark sa 200-meter butterfly (2:02.69). Nabura niya ang dating record na 2:03.93 na naitala niya noong 2014.
Sa kabuuan ng limang season bilang pambato ng Ateneo, nakolekta ni Lacuna, itinanghal na season MVP, ang kabuuang 33 gintong medalya.
Sa women’s class, nangibabaw din ang Ateneo, sa pangunguna ni reigning Athlete of the Year Chloe Daos, sa nakamit na 530 puntos kontra sa University of the Philippines at De La Salle.
Nasungkit din ni Daos ang pitong gintong medalya at ang MVP honor para makumpleto ang dominasyon ng Blue Eagles sa competition. Nanguna siya sa huling event na 200-m butterfly sa oras 2:21.42.
Tinapos din ni Season 79 MVP Aldo Batungbacal ang collegiate career sa bagong league-record sa 1,500-meter freestyle (16:35.33). Nalagpasan niya ang sariling record na 16:42.42 na naitala sa nakalipas na season. Nabura niya rin ang sariling record na 2:22.95 sa 200-meter breaststroke sa bagong oras na 2:21.75.
Nakagawa rin ng bagong marka ang grupo nina Aki Cariño, Giancarlo Silva, Getty Reyes, at Jethro Chua sa 4x100-meter medley relay sa oras na 4:03.49. Ang dating marka na naitala may dalawang taon na ang nakalilipas ay 4:03.86.
Pumangalawa sa overall standings ang Green Tankers, tangan ang kabuuang 382 puntos, matapos ang final day win nina Red Silvestre sa 50-meter backstroke (27.88), at 50-meter freestyle (24.35). Pangatlo ang Growling Tigers (180 pts.).
Ang iba pang nakaginto sa Lady Eagles ay sina Andrea Ngui (27.58) sa 50-meter freestyle, at 4x100-meter medley relay team nina Courtney Grey, Hannah Castañeda, Sarah Alvina, at Suzanne Himor (4:43.92).