BILIB ako sa Baguio City. Ito lang yata ang tanging lungsod na bawal ang pagmumura. Nagpatibay ang city council ng Anti-Profanity Ordinance o pagbabawal sa pagmumura, malalaswa at bastos na pananalita sa siyudad ng mga Pino.

Bilib ako kay Mayor Mauricio Domogan at sa mga miyembro ng konseho sa magandang layunin na maikintal sa kaisipan ng mga bata at mag-aaral, na hindi kanais-nais na pag-uugali ang pagmumura at pagsasalita ng mga bastos at nakaiinsultong salita.

Sabi nga ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Matapang itong si Mayor Domogan at mga konsehal niya. Kahit papaano, batid niyang ang Pangulo ay mahilig sa pagmumura sa publiko. Pero nagpasa pa rin sila ng Anti-Profanity Ordinance na maaaring ipagkamali na patungkol sa kanya.”

Pahayag naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo: “Labag sa freedom of speech ang ordinansa.” Pakli ng kaibigang senior-jogger: “Bakit, Mr. Panelo, labag sa malayang pamamahayag ang pagbabawal sa pagmumura? Dahil ba ang boss mo ay palamura?”

Aba, ewan ko!

oOo

Bumagsak ang economic growth o pagsulong ng ekonomiya ng Pilipinas sa third quarter ng 2018 sa 6.1%.

Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA) report, ang economic growth na sinusukat sa Gross Domestic Product (GDP) ay bumagal sa 6.1% sa ikatlong quarter dahil sa mataas na inflation na nagpahina sa consumers spending.

Papaano nga naman makabibili nang husto ang mga Pinoy ay saksakan ng taas ang presyo ng mga bilihin ngayon?

oOo

Bukod kay Vice Pres. Leni Robredo na nagsabing kung walang drug supply ay walang adik, naniniwala rin ngayon si Sen. Panfilo Lacson, dating Philippine National Police (PNP) Chief noong panahon ni Pres. Estrada, na kung walang drug supplier, walang pusher at user.

Sa isang caricature ng English broadsheet noong Biyernes, ipinakikita ng tampok na kalabaw ang ganito: “Ping’s advice: ‘Shootouts’ only for big-time drug dealers.” Bulalas ni kalabaw sa caricature: “Tama! Kung walang supplier, walang pusher!”

Para kay Sen. Ping, higit na mabuting mahuli nang buhay ng mga pulis ang pushers at users kaysa sila barilin (dahil nanlaban daw) upang magamit sa pagtuturo o paghahanap sa drug kings at suppliers. “Don’t kill the street pushers; arrest them. Make them lead you to the big-time suppliers, then finish the job by engaging those suppliers in the shootouts.” Magandang payo ito sapagkat kung ang itutumba ng mga pulis at vigilante ay iyong mga smuggler at supplier ng droga, sa halip na pushers at users, malaki ang tyansa na matuldukan ang salot na bawal na gamot.

Naniniwala ang taumbayan na ang dapat pagtuunan ng PNP, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at iba pang ahensiya ng gobyerno ay ang paglaban sa (inuulit natin nang 10 beses) mga drug lord, smuggler, supplier mula sa Bureau of Customs (BoC), New Bilibid Prisons, at mga pantalan.

-Bert de Guzman