MARAMING sagisag o simbolo ang Pasko -- ang araw ng makulay, masaya at makahulugang paggunita at pagdiriwang ng pagsilang ng Banal na Mananakop na Anak ng Diyos. At sa pagdiriwang ng Pasko, isa sa mga sagisag o simbolo nito na nagbibigay ng kulay at sigla ay ang mga Christmas Tree.
Naging bahagi na ng tradisyon na kapag sumapit ang “ber months”, napapansin ng ating mga kababayan na unti-unti nang itinatayo ang mga Christmas Tree sa loob o labas ng mga business establishment sa mga lungsod, bayan at lalawigan, at sa loob ng tanggapan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan Maging sa mga tahanan ng mga kababayan nating naniniwala sa pagdiriwang at diwa ng Pasko. Sa gabi binubuksan ang mga ilaw na may iba’t ibang kulay. Ang mga Christtmas Tree ay may palamuti o nagagayakan din ng iba’t ibang makulay na Christmas decoration. May naghahabulan din na mga makulay na liwanag. Ang iba naman ay pumikit-dumilat.
Sa lalawigan ng Rizal, lalo na sa pamahalaang panlalawigan, isa nang tradisyon pagsapit ng “ber months” ang pagtatayo ng malaking Christmas Tree sa tabi o harap ng gusali ng Rizal Provincial Capitol. Bahagi ito ng pakikiisa sa pagdiriwang ng Pasko. Ngayong 2018, sa pangunguna ni Rizal Governor Nini Ynares, binuksan ang mga ilaw ng Christmas Tree noong Setyembre 26, 2018. Ang Christmas Tree sa Rizal Provincial Capitol compound ay may 25 talampakan ang taas at yari sa mga recycled materials. Sa gabi, nagniningning ang mga ilaw nito na may iba’t ibang kulay.
Sa mga bayan naman sa lalawigan ng Rizal ay nagtayo rin ng mga Christmas Tree sa harap ng munisipyo. Ang paggawa at pagtatayo ng Christmas Tree ay bahagi ng inilunsad na paligsahan ng Pamahalaang Panlalawigan na “Christmas Tree Making Contest”. Ngayong 2018, nasa ikalimang taon na ang paligsahan sa paggawa ng Christmas Tree. Ang sukat ng gagawing Christmas Tree ay may 20 hanggang 25 talampakan ang taas. Tulad noong 2017, ang gagamitin sa gagawing Christmas Tree ay mga recycled material. Itatayo ito harap ng munisipyo, sa plaza o kaya ay sa municipal park ng bayan. Sa ginawang mga Christmas Tree, lumutang muli at napansin ang creativity o pagka-malikhain ng mga Rizalenyo sa 13 bayan at isang lungsod sa lalawigan.
Ang pagbubukas ng mga ilaw ng Christmas Tree ay may itinakdang araw at petsa. Sa Antipolo City, sa pangunguna nina Mayor Jun Ynares, Vice Mayor Pining Gatlabayan ay binuksan na ang mga makukulay na ilaw ng Christmas Tree nitong Nobyembrte 8, 2018. Dinaluhan at sinaksahin ito ng mga taga-Antipolo City na masayang-masaya sa pagsaksi at panunood ng pagbubukas ng mga ilaw ng Christmas Tree.
Sa Jalajala, Rizal, binuksan ang mga ilaw ng Christmas Tree nitong Nobyembre 7, 2018. Pinangunahan ito ni Mayor Ely Pillas at ng mga miyembro ng Sanggunaing Bayan. Naging mga panauhin sa Christmas Tree lighting sina Rizal Vice Govrnor Jun Rey San Juan, provincial board member Ato Rivera, Rommel Ayuson at Dra. Olivia de Leon. Dumalo rin ang mga guro at mag-aaral sa Jalajala. Ang Christmas Tree sa Jalajala ay may 7.65 metro ang taas.
Sa Taytay, Rizal naman, ayon kay Mayor Juric Gacula, ang kanilang Christmas Tree ay nasa harap ng gusali ng lumang munisipyo sa bayan. Tulad ng mga Christmas Tree sa ibang bayan sa Rizal, may 20 talampakan ang taas nito. Sa Binangonan, ang Christmas Tree ay nakatayo sa harap ng munisipyo. Ang pagbubukas ng mga ilaw nito ay pangungunahan ni Mayor Cesar Ynares, Vice Mayor Boyet Ynares at mga miyembro ng Sangguniang Bayan. Tampok na panauhin sa pagbubukas ng mga ilaw si Rizal Governor Nini Ynares.
Ang mga Christmas Tree, tulad ng iba pang mga sagisag at simbolo ng Pasko ay naging bahagi na ng pagdiriwang ng pagsilang ng Banal na Mananakop. Ang pagdiriwang ay may naiiwang mga alaala at gunita ng Pasko
-Clemen Bautista