WALA na akong makitang balakid sa pagsasagawa ng mandatory drug test sa mga estudyante sa public at private schools sa kapuluan. Kung tama ang aking pagkakarinig, ang naturang programa ay magkatuwang na pinahintulutan ng Department of Education (DepEd) at ng Commission on Higher Education (CHED) upang matiyak kung sinu-sino sa ating mga mag-aaral ang nagugumon sa illegal drugs; at kung sinu-sino naman sa higit na nakararaming mga estudyante ang hindi natukso sa kasumpa-sumpang bisyo.
Naniniwala ako na, tulad ng ipinahiwatig ng DepEd at CHED, ang pagsasagawa ng naturang sapilitang drug test ay hindi nangangahulugan na ang mga mag-aaral ay pinaghihinalaang gumagamit ng bawal na droga; at ang mga paaralang pinapasukan nila ay talamak at pinamumugaran ng adik. Manapa, nais lamang marahil ng nasabing mga ahensiya ng gobyerno na maging ganap na drug-free ang ating mga paaralan, lalo na ang ating mga komunidad.
Hindi maikakaila, tulad ng isinasaad sa mga ulat na ang ilan sa ating mga mag-aaral ay nagugumon sa bawal na gamot; at ang ilan sa mga eskuwelahan ay talamak din sa illegal drugs. Ang mandatory drug test ang natitiyak kong epektibong sistema upang mailayo sila sa ibayong panganib na likha ng shabu. Ang resulta ng pagsusuri ay mananatiling sikreto at ang mga natutuklasang positibo sa droga ay marapat lamang isailalim sa rehabilitasyon tungo sa kanilang makabuluhang kinabukasan.
Matagal na nating isinisigaw ang pagsasagawa ng mandatory drug test hindi lamang sa mga mag-aaral kundi maging sa mga guro at iba pang kawani ng pamahalaan. Mismong si Pangulong Duterte ang paulit-ulit na nagpapahiwatig na kailangang mailipol ang illegal drugs sa layuning makalikha ng isang drug-free Philippines. Tandisan niyang sinabi na ang drug menace o panganib sa droga ang pangunahing banta sa seguridad ng ating bansa.
Dangan nga lamang at ang pagsusulong ng mandatory drug test ay kaagad namang inalmahan ng oposisyon sa pagsasabi na ang gayong pagsisikap ay isang malaking kalokohan; at itinuturing na isang tahasang paglabag sa karapatan ng mga mag-aaral.
Hindi nila natatanto marahil na ang mga sugapa sa bawal na droga ang pasimuno sa karumal-dumal na mga krimen. Nagdudumilat ang mga ulat: pinatay ng adik ang kanyang sariling ina; ginahasa ang kanyang kapatid; sinunog ang kanilang bahay at namatay ang halos buong pamilya. At marami pang nakakikilabot na krimen na kagagawan ng mga nagumon sa nakalalasong shabu.
Higit kayang ikatutuwa ng mga kritiko na makita ang ating mga kabataang mag-aaral na may utak-demonyo dahil sa nakalalasong gamot kaysa masilayan ang mga estudyante na huwaran at hindi nagpatangay sa illegal drugs?
-Celo Lagmay