PALABAS na nationwide simula nitong Miyerkules ang ikalawang blockbuster hit sa 2018 Cinemalaya Film Festival, ang kuwentong martial law na ML, na idinirek ni Benedict Mique, at tinampukan nina Eddie Garcia, Heinz Villaraiz, Liliane Valentin, at Tony Labrusca.
Napanood na namin ang ML sa Cultural Center of the Philippines (CCP) nitong Agosto, at talagang napapaangat kami sa kinauupuan namin, bukod pa sa labas-pasok kami sa pag-iwas sa mga eksenang hindi namin kinayang makita. Grabe, sobrang bayolente ng torture scenes!
Biro nga ni Tito Eddie: “Dapat ipinalabas ito noong Mahal na Araw, kasi doon napapanahon ang kuwento.”
Rated-16 ang ibinigay ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa pelikula, na ayon kay Direk Benedict ay iyon din naman ang gusto niyang mangyari. Ayaw niya kasing magputol ng mga eksena, dahil gusto niyang maipakita ang lahat ng torture scenes.
“R-16 kami without cuts which we wanted. We are happy about it kasi after the screening ipinatawag kami ng screening committee tapos nagulat kami pagpasok naming, kasi pagpasok pa lang namin sa pinto, inabot na kaagad ‘yung kamay ko at sabi, ‘direk congratulations, ang ganda ng pelikula n’yo’, etcetera, etcetera, at doon nagulat. Kaya thankful kami kasi ang bait nila sa MTRCB.”
Natanong ang tatlong millennials actors ng pelikula kung saan sila nahirapan sa torture scenes.
Sinabi ni Liliane na may double siya sa eksenang pinaso ng sigarilyo ang maselang bahagi ng katawan niya.
“May double naman po ako and while sinu-shoot po, nanonood po ako para makita ko talaga. Alam ko kung ano ‘yung ginagawa at maramdaman ng isang babae na ginaganu’n.
“Pinakamahirap po ‘yung nakahiga sa blokeng yelo, kasi manipis lang ‘yung sapin at talagang malamig na. Habang nagsu-shoot kami nanginginig talaga ako. Mino-motivate ako ni Direk, kasi nahirapan ako, at thankful ako kasi nagawa ko.
“Nag-audition ako for the role at nandoon si Direk at in-explain sa akin na may mga ganu’n scenes and ganu’n ang movie. Walang masama kung i-try at saka Cinemalaya ito, it’s a dream for me para makasama sa isang Cinemalaya project at matagal na rin naman akong nag-o-audition for Cinemalaya at ngayon lang ako natanggap. And it’s a challenge rin for the role plus kasama pa si Sir Eddie Garcia,” sabi ni Lilianne.
Inilarawan naman ni Heinz na “buwis-buhay” ang pinakamahirap na eksenang ginawa niya sa ML.
“Pinakamahirap po ‘yung may face towel sa mukha ko tapos may water hose na dinidiligan. Akala ko po nu’ng una like madali lang siya, hindi pala talaga ako makakahinga. Sabi ni Direk, ‘Heinz, hintayin natin ‘yung isa mong kamay kung hanggang saan mo kayang i-hold ‘yung breath mo, i-hold mo para sa shot’. So tinagalan ko naman po, saka ko tinanggap, buwis-buhay talaga.”
Ano naman ang pinakamahirap na ginawa ni Tony sa pelikula?
“’Yung nakatali po ako sa chair nang ilang oras. ‘Yun ‘yung mental torture. Sobrang hirap kasi pag-upo mo sa chair hindi ka makagalaw, maski may makati sa katawan mo, hindi ka mapakali. Sobrang hirap po talaga.”
Kaya naman masaya ang tatlong bagets na mapapapanood na ito sa maraming sinehan nationwide, dahil dapat lang itong mapanood ng mga millenials na tulad nila.
Simula nang ipalabas ang ML ay dumami ang offers kina Tony, Heinz, at Lilianne. Si Heinz na may teleseryeng gagawin ngayon sa ABS-CBN, ganun din si Lilianne na sa GMA-7 naman gagawa ng teleserye. Katatapos lang ni Tony ng dalawang pelikula, ang Double Twisting Double Back na ipinalabas sa Cinema One Originals kamakailan, at ang digital movie na Glorious with Angel Aquino, na umabot na sa 11 million views ang trailer as of this writing.
Anyway, magkahalong negatibo at positibo ang feedback ng ML, lalo na mula sa mga supporter ng mga Marcos, habang may mga nagmungkahi naman na isali ni Direk Benedict ang ML sa international film festivals, pero ayaw niya.
“Actually ang daming plano, parang laban siya kung hanggang saan aabot. Nakakatakot kasi gagastos ka. Akala ng iba walang gastos, actually hindi.
“We wanted to be recorgnized dito sa Pilipinas kasi para sa Pilipino ang pelikula, for the youth, for the next generation. Kaya widely released natin kasi after that nakaplano naman ‘yan.
“After Cinemalaya, wide release micro cinemas, schools, then pupunta na sa digital VOD (video-on-demand), so naka-program siya na ganu’n. Para mas maraming makapanood. At kasama na rin na sana mabawi ko ‘yung ginastos ko,”paliwanag mabuti ni Direk Benedict, na siya ring producer ng ML.To date ay dagsa na ang inquiries mula sa maraming eskuwelahan sa buong Pilipinas para sa screening ng ML, at scheduling na lang ang inaayos ni Direk Benedict.
-REGGEE BONOAN