MASYADO naman tayong ipokrita o mapagkunwari kung hindi natin ikatutuwa ang sunud-sunod na price rollback ng mga produkto ng langis. Halos araw-araw at malaki-laki rin naman ang ibinababa sa presyo ng gasolina, diesel at gaas o kerosene; nakaluluwag ito sa ating mga kababayan, lalo na ngayon na patuloy pa rin ang pagtaas ng halaga ng mga bilihin at ng iba pang pangunahing pangangailangan.
Gusto kong maniwala na natauhan ang mga independent oil company, kabilang na ang tinaguriang Big 3 (Petron, Caltex at Shell) sa pagtugon sa pagdurusa ng sambayanan na bunsod nga ng mataas na presyo ng oil products. Nagising sila sa katotohanan na marapat lamang silang maging makatao sa pagtatakda ng halaga ng kanilang mga produkto na nagbubunga ng kawing-kawing na epekto sa mga problemang pinapasan ng ating mga kababayan.
Sa pagpapatupad ng sunud-sunod na oil price rollback, unang natutuwa ang mga motorista, lalo na ang mga transport operators at mga tsuper; nadadagdagan ang kanilang kinikita na natitiyak kong makapagpapaluwag sa kanilang pamumuhay. Sana, ang ganitong pagmamalasakit ay hindi na kumupas at ang naturang mga negosyante ay manatiling maging makatao sa kanilang pagnenegosyo.
Sa kabilang dako, masyado rin naman tayong mapagkunwari kung hindi natin ipanggagalaiti ang walang patumanggang pagpapataw ng dagdag na presyo sa mga produkto ng langis. Isipin na lamang na kakarampot ang ipinatutupad nilang oil price rollback samantalang halos sagad sa langit, wika nga, ang idinadagdag ng ilang kumpanya ng langis sa kanilang mga produkto. Ang lagi nilang idinadahilan ay ang mataas na halaga ng inaangkat nilang krudo sa Oil Producing ang Exporting Countries (OPEC).
Sa ganitong estratehiya ng pagnenegosyo, naniniwala ako na isinasangkalan ng naturang mga negosyante ang kamandag ng Oil Deregulation Law (ODL). Ang naturang batas ang nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan upang magtakda ng presyo ng kanilang produkto sa halaga na nais nila. Ibig sabihin, walang magawa ang gobyerno at mistulang nakatali ang mga kamay nito upang sitahin ang waring pagmamalabis ng ilang oil company; manhid sa pagdama ng pagsasaskripisyo ng bayan.
Tulad ng lagi nating isinisigaw, ang pagsusog o pagpapawalang-bisa ng ODL ang tugon sa pagsasamantala ng ilang oil company. Kaakibat nito ang pagsusulong ng Oil Price Stabilization Fund (OPSF) na magpapatatag sa presyo ng krudo; na maging hadlang sa hindi patas na regulasyon sa oil business. Sa gayon, labis na magagalak ang sambayanang Pilipino.
-Celo Lagmay