KATATAPOS lang ipagdiwang ng Senado ng Pilipinas ang 102nd founding anniversary nito. Binabati ko ang mga senador, ang kanilang mga tauhan, at lahat ng empleyado ng Mataas na Kapulungan sa makasaysayang okasyong ito.
Itinatag noong 1916, ang Senado ay nananatili bilang mahalagang demokratikong institusyon sa bansa. Sa kabila ng lahat ng pagsubok na pinagtagumpayan, patuloy itong naninindigan sa tungkulin nito—ang isulong ang demokrasya at paglingkuran ang mamamayang Pilipino. Ilang beses na itong napagitna sa mga kontrobersiya, subalit naging pangunahing puwersa rin ito sa pagpapatatag sa kasaysayan ng pulitika sa bansa.
Ang pagbabalik-tanaw ko sa 12 taon ng paglilingkod ko sa dakilang tanggapan ng Senado ay hindi lamang tungkol sa mabuting pakikitungo at pagkakaibigan na naranasan ko kasama ng mga kapwa ko lingkod-bayan, kundi isang pagbibigay-pugay sa minsan kong pagiging bahagi at pamumuno sa prestihiyosong institusyon sa bansa upang mapaglingkuran ang mamamayan.
oOo
Natukoy sa huling survey ng Pulse Asia na pawang babae ang unang limang napipisil ng mga botante para sa Senado, at may kabuuang anim na babae ang napabilang sa tinatawag na Magic 12. Ipinagmamalaki kong sabihin na tatlo sa mga kandidatong ito—sina Cynthia Villar, Pia Cayetano, at Imee Marcos—ay kasapi ng Nacionalista Party.
Isa itong welcome development. Bilang isang bansa, malayo na ang narating ng Pilipinas sa larangan ng pagbibigay-kapangyarihan sa kababaihan, partikular na sa mundo ng pulitika. Totoong marami pang kailangang isulong, pero marami na tayong dakilang napagtagumpayan sa usapin ng gender equality.
Inihalal natin ang unang babaeng senador noong 1947—si Senator Geronima Josefa T. Pecson. Isinilang sa Lingayen, Pangasinan, tinutukan ni Senator Pecson ang edukasyon at kinilala rin siya bilang kauna-unahang Pilipino at unang babaeng nahalal sa executive board ng UNESCO.
Batay sa datos ng Commission on Elections (Comelec), parami nang parami ang mga babaeng kumakandidato at nahahalal sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno. Napakahalaga nito. Kailangan natin ng mas maraming babae sa pulitika. Sa Senado, mahalaga ang kababaihan dahil nakapag-aambag sila ng naiibang pananaw sa paglikha ng batas, sa mga debate, at sa kaunlaran ng bansa sa kabuuan. Kailangang may kinatawan ang iba’t ibang sektor ng lipunan sa deliberasyon sa Senado.
Gayunman, nananatili ang katotohanang dominado pa rin ng kalalakihan ang larangan ng pulitika. Iniulat ng Comelec na noong 2013, 18% lang ng kabuuan ng mga kandidato ang babae. Mas kakaunti pa ito noong 2010, nang 14% lang ng mga kumandidato ang kababaihan.
Naaalala ko noong una akong kumandidato para senador noong 2001, isang babae lang ang nahalal sa Senado, nang mapasama si Loi Ejercito-Estrada sa mga incumbent na sina Loren Legarda at Tessie Oreta noong 12th Congress.
Nang kumandidato ako para sa re-election noong 2007, tanging si Loren ang nahalal pero siya naman ang nanguna sa mga nanalong senador nang taong iyon. Ang 13th at 14th Congress ay may apat na babaeng senador, habang tatlo naman sa huling Kongresong pinagsilbihan ko: sina Loren, Pia, at ang yumaong si Senator Miriam Defensor Santiago.
Marami pa tayong kailangang gawin upang matiyak ang ganap at patas na pakikibahagi ng kababaihan sa pulitika, dahil mahalaga sila sa pagsusulong ng matatag at masiglang demokrasya. Ang makabuluhang partisipasyon ng kababaihan sa pamumunong pulitikal, partikular sa paglikha ng mga polisiya, ay hindi lamang isang mahalagang hakbangin pabor sa gender equality, kundi nagsusulong din ng pagkakaiba-iba sa mga polisiyang gagawing prioridad ng pamahalaan.
Gaya ng binigyang-diin ni dating UN Chief Kofi Anan tungkol sa pagbibigay ng kapangyarihan sa kababaihan: “No other policy is as likely to raise economic productivity or to reduce child and maternal mortality. No other policy is as sure to improve nutrition and promote health, including the prevention of HIV/AIDS. No other policy is as powerful in increasing the chances of education for the next generation.”
Hindi maaaring sabihin na ang pagkakaroon ng kababaihan sa pulitika ang reresolba sa lahat ng ating problema, subalit isa itong mahalagang hakbangin upang masolusyunan ang mga usapin sa kawalan ng pagkakapantay-pantay at kakulangan sa pag-unlad.
-Manny Villar