Matutuloy pa rin ang 12-round eliminator bout nina dating IBF No. 3 Lee Haskins ng United Kingdom at dating No. 4 Kenny Demecillo ng Pilipinas para sa karapatang hamunin si IBF bantamweight champion Emmanuel Rodriguez ng Puerto Rico na semifinalist sa World Boxing Super Series.

Iniutos ng IBF ang sagupaan nina Haskins at Demecillo kung saan nakuha ng Manny Pacquiao Promotions ang karapatan sa sagupaan nang magwagi sa purse bid sa United States kamakailan.

Dapat na magiging undercard ang sagupaan nina Haskins at Demecillo sa IBF light flyweight title bout nina Felix Alvarado at Randy Petalcorin na napagwagihan ng Nicaraguan via 7th round TKO noong Oktubre 29 sa Midas Hotel and Casino sa Pasay City pero sa hindi malamang dahilan ay nakansela ang laban.

Sa huling rankings ng IBF nitong Nobyembre 5, tinanggal na si Haskins sa ratings at nakalista nang No. 3 si Demecillo at No. 4 si IBO bantamweight champion Michael Dasmariñas na isa ring Pilipino.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Hindi mabatid kung IBF eliminator pa rin ang sagupaan nina Haskins at Demecillo sa Maynila na nakalista sa bocrec.com na magaganap sa Nobyembre 17 sa Maynila.

Matagal naging IBF bantamweight champions si Haskins pero naagaw ito ng kababayang si Ryan Burnett noong 2017 at may kartada siyang 35 panalo, 4 talo na may 14 pagwawagi sa knockouts.

Kinatakutan naman si Demecillo nang palasapin ng unang pagkatalo via 6th round TKO si dating WBC International Silver bantamweight titlist Vyacheslav Mirzaev noong nakaraang Marso 17 sa Anapa, Russia para mapaganda ang kanyang kartada sa 14-4-2 win-loss-draw na may 8 pagwawagi sa knockouts.

-Gilbert Espeña