SA Undas on-the-spot drug test na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), natuklasan na 10 tsuper at dalawang konduktor na mula sa iba’t ibang bus company ang sinasabing positibo sa droga. Tulad ng lagi kong ipinahihiwatig, ang resulta ng ganitong pagsusuri -- at ang iba pang situwasyong kahawig nito -- ay naghahatid ng nakakikilabot na hudyat sa ating mga kapuwa pasahero. Isipin na lamang na ang mga bus na ating sinasakyan ay minamaneho ng umano’y mga sugapa sa illegal drugs.
Totoo na ang naturang mga tsuper at konduktor ay isasailalim pa sa confirmatory test upang matiyak na sila nga ay gumagamit ng bawal na droga. Subalit naniniwala ako na ilan lamang sila sa pinaghihinalaang lulong sa shabu at iba pang ipinagbabawal na gamot. Ibig sabihin, maaaring naniniwala rin sila na ang paggamit ng naturang droga ay isang paraan upang sila ay manatiling gising sa kanilang pagmamaneho. Kabaligtaran ito ng malalagim na aksidente sa lansangan na isinisisi sa drayber na kung hindi lasing sa alak ay lulong naman sa shabu.
Sa gayong nakadidismayang mga pangyayari, dapat lalong paigtingin ng PDEA -- at ng ibang ahensiya na may misyong panglagaan ang kaligtasan ng mga pasahero -- ang pagsasagawa ng on-the-spot at random drug test hindi lamang sa mga tsuper ng bus kundi maging mga drayber ng taksi, pampasaherong dyip at iba pang transportasyon. Kailangang tiyakin ng mga tsuper ang maayos na pagmamaneho upang ligtas nilang maihatid ang kanilang mga pasahero mula sa pagsakay ng mga ito hanggang makarating sa kanilang patutunguhan.
Natitiyak ko na higit pa ring nakararami ang mga tsuper, pribado man o pampasahero, na masyadong maingat sa kanilang pagmamaneho; matindi ang pagpapahalaga nila sa buhay at ari-arian. Gayunman, totoong walang may monopolyo ng tinatawag na careful driving sapagkat hindi maiiwasan ang anumang aksidente; mababawasan lamang.
Biglang sumagi sa aking utak ang isang kahindik-hindik na aksidente nang bumaligtad ang sinasakyan naming dyip sa kanto ng Alvares at Malabon, Sta. Cruz, Maynila, maraming taon na ang nakalilipas. Sa kabutihang-palad, ako at ang siyam na kapuwa ko mga pasahero ay nakaligtas; isinugod kaming lahat sa kalapit na Jose Reyes Memorial Hospital, maliban sa aming tsuper na nakita kong nakaipit pa sa manibela. Ang iba pang eksena ay naging bahagi na lamang ng aking pag-aaral sa Far Eastern University.
Ang patuloy na drug test sa mga tsuper at konduktor ng mga sasakyang pampasahero -- kaakibat ng maayos na pangangalaga sa mga bus, taksi at iba pa -- ay marapat na lalo pang paigtingin upang matiyak na ang ating mga sinasakyang transportasyon ay ligtas at hindi maturing na rolling coffin o gumugulong o bumibiyaheng mga kabaong.
-Celo Lagmay