SA pagdagsa ng ating mga kababayan sa iba’t ibang sementeryo sa buong kapuluan, hindi ko maikubli ang pagiging isang pesimista -- ang pagtingin sa madilim na bahagi ng buhay. Maaaring makasarili ang aking pananaw na natitiyak kong taliwas sa paniniwala ng higit na nakararami hinggil sa pagpapahalaga at paggalang sa mga yumao. Subalit hanggang ngayon, hindi ko makumbinsi ang aking sarili upang dumalaw sa libingan ng aking yumaong ina dahil sa isang nakapanlulumong karanasan.
Totoo na ang pagbisita sa puntod ng ating mga mahal sa buhay ay naging bahagi na ng tradisyon simula pa marahil nang likhain ang ginagalawan nating planeta. Isa itong makabuluhang pagkakataon upang ang lahat -- nakaririwasa man o nakalugmok sa karalitaan -- ay mag-alay ng bulaklak sa mga puntod, magtulos ng kandila at umusal ng dalangin para sa mga yumao.
Dito natin nasasaksihan ang agwat ng tinatawag na mayroon at wala; ang mayayamang naulila na nasa mosoleo ay nagsasaya at nagsasalu-salo sa mga pagkaing sa pangarap lamang natin makikita at malalasahan, wika nga. Samantalang ang mga tinaguriang mga walang-wala ay nagkakasiya na lamang sa patakam-takam sa nasisilip nilang marangyang paggunita sa Araw ng mga Patay.
Subalit isang katotohanan na ang okasyong ito ay tinatampukan ng reunion o madamdaming pagkikita-kita ng magkakamag-anak, magkakakilala at ng sambayanang Pilipino. Patunay na ang mga yumao ay mistulang nananatiling buhay sa puso at isipan ng mga naulila.
Tulad ng aking naunang ipinahiwatig, ang aking pagiging pesimista kaugnay ng paggunita sa araw na ito ay nakaangkla sa isang nakapanlulumong pangyayari na kailanman ay hindi makakatkat sa aking utak.
Namatay ang aking ina, maraming dekada na ang nakalilipas, nang hindi ko man lamang nakita hanggang sa mailibing sa public cemetery sa aming bayan. Kaagad kong dinalaw ang kanyang puntod; inihukay siya sa lupa dahil sa kawalan ng pantustos sa pagpapagawa ng nitso. Makalipas ang isang taon, muli kong dinalaw ang kanyang libingan; wala na ang krus na kahoy sa kanyang libingan sapagkat ito ay pinatungan ng nitso ng isang nakaririwasang yumao. Hindi ba ito isang paglapastangan sa ala-ala ng isang sumakabilang-buhay at sa kanyang mga naulila? Ang aking matinding pananabik na dumalaw sa puntod ng aking ina ay inagaw ng angkan ng mga pangahas at tampalasan.
Ang aking pagiging pesimista ay nakaangkla lamang sa nasabing nakapanlulumong karanasan. Ihahatid ko na lamang ang taimtim na dasal para sa aking yumaong ina.
-Celo Lagmay