PANGANGASIWAAN ng Games and Amusement Board (GAB) ang isasagawang 5i5o Triathlon – isa sa pinakamalaking triathlon event sa bansa na tatampukan ng mga professional local at foreign athletes – sa Nobyembre 4 sa Subic Bay, Olongapo City.

Mitra

Mitra

Ilalarga ang torneo binubuo ng swimming, biking at running, sa ACEA beach bago tahakin ang San Bernardino Road at Argonaut highway at magtatapos sa Remy Field.

Kamakailan, nilagdaan nina GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra at Commissioners Atty. Eduard Trinidad at Mar Masanguid, ang resolusyon na naglalagay sa triathlon bilang isa sa professional sports na pinangangasiwaan ng ahensiya.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Bunsod nito, hindi lamang ang pagiging lehitimong sports organization ang mga nagpapatakbo ng triathlon sa bansa bagkus nasisiguro na protektado sa anumang pang-aabuso at kawalan ng seguridad ang mga kalahok at atletang nakikiisa sa mga torneo.

“Under GAB supervision ang triathlon event sa bansa. Sa ganitong paraan, nababantayan natin ang mga atleta dahil required silang lahat na dumaan sa medical test para sa lisensiya ganoon din sa drug-testing,” sambit ni Mitra.

Iginiit ni Mitra na ipinatutupad ng GAB ang mahigpit na panuntunan sa pagbibigay ng lisensya at sa kabila nito, maraming sports organization ang lumalapit sa ahensiya upang hilingan na mapaisailalim sila sa supervision ng GAB.

“License and game permit payments provides additional funding for the government,” pahayag ni Mitra.

Batay sa Presidential Decree 871, ang GAB ay binigyan ng kapangyarihan para pangasiwaan at ma-regulate ang professional sports tulad ng basketball, football, boxing, golf, billiards, motocross, triathlon, eSports at iba.