MAAARING palawigin pa ang martial law sa Mindanao. Malaki ang naitutulong ng ML sa security forces ng gobyerno sa pagpapanatili ng peace and order at napoprotektahan pa ang mga sibilyan sa pag-atake ng mga terorista.
Nakatakdang matapos ang martial law sa Mindanao sa Disyembre 31, ang pangalawa at huling extension na pinahihintulutan ng Kongreso. Sinakop ang Marawi City ng teroristang Maute Group, Abu Sayyaf Group at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na may ugnayan sa ISIS, noong Mayo 2017.
Naniniwala ang militar na nakatulong nang malaki ang pag-iral ng martial law sa pagkakaroon ng katahimikan at kaayusan sa Marawi City. Napigilan din ng ML ang mga pag-atake na maaaring isagawa ng mga terorista laban sa mga mamamayan.
Sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na kung tatalima ang Duterte administration sa lifting o pag-aalis ng martial law sa Disyembre 2018, mukhang mas gusto ng mga residente ng Mindanao na panatilihin ang batas-militar sa rehiyon.
Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang kanyang anak, si Davao City Mayor Sara Duterte, ang nasa likod ng pagpapatalsik kay ex-Speaker Pantaleon Alvarez sa puwesto. Pinalitan siya ni dating pangulo at ngayon ay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ng Pampanga.
Sa harap ng mga negosyante, inihayag ni PRRD ang pagiging matigas o strong-willed ni Inday Sara. “Talagang ano ‘yan si Inday, so be careful with that woman. She can oust even a Speaker, she operated in Davao. This is a female. Look at what happened in Congress, Alvarez was ousted,” pagmamalaki ng Pangulo sa kanyang anak.
Matapos ang sunud-sunod na pag-atake sa kanya ni PDu30, naniniwala si Vice Pres. Leni Robredo na siya ang “the most vilified governtment official”. Inihayag ito ni VP Robredo sa open forum sa Center for Strategic and International Studies (CSIS) sa Washington noong Miyerkules.
Bagamat nagagandahan si PRRD kay beautiful Leni, lalo na sa kanyang mapuputing binti, hindi naman bilib ang Presidente na siya ang maging kapalit sakaling siya ay magkasakit, magbitiw o mawala. Incompetent daw si Leni. Gusto niya ang isang military junta. Nitong huli, nagbago siya at sinabing handang bumaba sa puwesto kung ang papalit sa kanya ay tulad nina Sen. Chiz Escudero at ex-Sen. Bongbong Marcos. Ano ba yan?
Marami ang nagtatanong at nagtataka. Hindi ba alam ng Pangulo ang isinasaad ng Constitution na ang constitutional successor ng pangulo ay ang bise presidente?
-Bert de Guzman