PALIBHASA’Y may mataos na pagmamalasakit sa mga katutubo o indigeneous people (IPs), labis kong ikinatuwa ang paglulunsad ng mga proyekto na naglalayong iangat ang karukhaan ng ating mga kababayan na nasa laylayan, wika nga, ng ating mga komunidad. Ang pagtutuon ng pansin sa mga IPs ay maituturing na isang higanteng hakbang o giant step, lalo na kung isasaalang-alang na ang naturang mga grupo ay makatutulong naman sa pangangalaga ng mga watershed at kalikasan.
Sa isang okasyon kamakailan, inilunsad ang Kalangaya Indigenous Peoples’ Sustainable Agro-Forestry through Family Empowerment (KIP-SAFE) sa bulubunduking bayan ng Carranglan sa aming lalawigan sa Nueva Ecija. Pangunahing adhikain nito na tulungan ang mga pamilya ng IPs sa nasasakupan ng Kalangaya Ancestral Domain (KAD): kabilang dito ang mga komunidad ng Capintalan, Minuli, Putlan at Salazar. Bukod sa mga katutubong Kalangaya, naniniwala ako na marapat ding masakop ng mga proyekto ang iba pang katutubo tulad ng Aeta, Igorot, Dumagat at iba pa.
Ngayon lamang umuusad ang gayong pagmamalasakit sa mga katutubo sa aming lalawigan. Ang nabanggit na proyekto ay magkatulong na ipinanukala ng Central Luzon State University (CLSU) na pinamumunuan ni Dr. Tereso A. Abella at ng National Commission on Indigenous People-Nueva Ecija Provincial Office (NCIP-NEPO). Pinagtibay naman ito ng Central Luzon Agriculture and Fisheries Extension Network (CLAFEN), at isinulong ng Agricultural Training Institute sa Region III.
Dapat lamang asahan na kaagapay din sa naturang mga proyekto ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na may kaugnayan sa implementasyon ng iba’t ibang programang pangkabuhayan o livelihood.
Sa hanay ng ipinatutupad na mga proyekto, naniniwala ako na dapat bigyang-diin ang hinggil sa pagtatanim at pagpapabunga ng mga fruit trees. Napag-alaman ko na ang pagtuturo hinggil sa paksang ito ay isinasagawa sa CLSU at dinadaluhan ng mismong mga katutubo at ng kanilang mga pamilya at mga kinatawan. Nagkataon na ang gayong pagsisikap ay binabalikat ni Dr. Bernardo Dizon, isang pomologist at kinikilalang fruit-bearing tree expert ng bansa. Kundi ako nagkakamali, siya ang itinalaga ng CLSU Statistics Office bilang point person sa nasabing training session na isinasagawa tuwing Martes at Miyerkules.
Sa pagkakakilala ko kay Dr. Dizon, natitiyak ko na ibubuhos niya ang mga kaalaman sa pagsusulong ng iba’t ibang teknolohiya sa pagpapatubo at pagpapamunga ng mga punongkahoy, kabilang dito ang kanyang mga breakthrough sa pamamagitan ng double at multiple-root stock ng iba’t ibang fruit trees na tulad ng mangga, lansones, rambutan at iba pa na palasak sa kanyang exotic garden
-Celo Lagmay